MAY hula si Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD): “Ganap na mapupuksa ang Kilusang Komunista (CPP-NPA) sa ika-2 quarter (6 na buwan) ng 2019”. May hula rin si Jose Ma. Sison (Joma), founder ng Communist Party of the Philippines: “Hindi matatapos ni Digong ang kanyang termino. Ngayon 2019, siya ay mapatatalsik at babagsak sa puwesto.”
Sinabi ni PRRD na maraming rebeldeng NPA ang nagsisisuko sa kabila ng mga banta ng kanilang kasamahan na sila ay lilikidahin. “Kung ang Diyos ay magiging maawain, ang pagkatalo ng CPP-NPA ay magaganap sa ika-2 quarter ng susunod na taon.”
Marami na umano ang sumusuko. Dito ay kabilang ang mga rebel leader na sawa na sa pamumundok at gusto nang iwanan ang armadong pakikibaka laban sa gobyerno. Ayon sa Pangulo, bukod sa pagsuko, isinasalong din ng NPA rebels ang kanilang mga armas sa pamahalaan.
Maging ang dating mga presidente ay nagsihula noon na ang Kilusang Komunista, ang pinakamatagal na Maoist insurgency sa rehiyon, ay matatalo. Gayunman, ito ay nagpatuloy. Ang peace negotiations sa pagitan ng mga rebelde at ng pamahalaan ay nalagot matapos akusahan ni PDu30 ang CPP-NPA na walang sinseridad, at nais nila ng isang coalition government. Ayon sa Pangulo, ang power-sharing ay hindi pinahihintulutan ng Konstitusyon.
Bilang tugon, binanatan ni Joma si Mano Digong sa pagiging “delusional” o pagkakaroon ng mga guniguni na hindi angkop sa katotohanan, gaya ng kanyang prediksiyon sa pagbagsak ng CPP-NPA sa 2019. Sa halip, siya raw ang babagsak sa susunod na taon.
Sa kanyang social media posts, sinabi ni Sison na ang hula, prediksiyon at pahayag ni PRRD ay resulta ng labis niyang paggamit ng Fentanyl. Inakusahan din ng lider-komunista na may malubhang sakit si Pres. Rody, pero binanatan siya ng Pangulo na si Sison ang may malubhang karamdaman, Stage 4 colon cancer.
Ang bira ng Pangulo ay itinanggi ni Fidel Agcaoile, NDF peace panel chairman. Sinabi niyang si Sison ay hindi “naghihingalo” tulad ng paniniwala ni Mano Digong. Si Joma raw ay naka-recover na sa kanyang arthritis o rayuma.
Matindi ang banat ng dating estudyante sa kanyang ex-professor. Itinuturing daw ng taumbayan na si PRRD ay isang “clown” na umaangking maraming pera na maibibigay sa rebel returnees, trabaho at tirahan. Siya raw ay target ngayon ng mga galit na tao. Badya ni Joma: “They reject the traitorous, tyrannical, murderous and corrupt character of his regime.”
Pinasusubalian ito ng Malacañang na nagsabing pangunahin sa agenda ni PRRD ang pagkakaloob ng matiwasay at maunlad na buhay sa mga mamamayan. Nais niyang durugin ang illegal drugs, baliin ang sungay ng kurapsiyon sa mga sangay ng gobyerno, hadlangan ang pagpasok ng ISIS at terorismo sa Mindanao, na hanggang ngayon ay binabagabag ng karahasan, patayan, pagdukot at kahirapan.
-Bert de Guzman