MULING ibinida ng Hotel and Restaurant Association of Baguio (HRAB), sa ikatlong pagkakataon, ang higanteng cake bilang makasaysayang handog sa 43 couple na pinag-isa sa Kasalang Bayan at pagbibigay kasiyahan sa mga residente at turista sa taunang selebrasyon mula sa 14th edition ng Hotel and Restaurant Tourism (HRT) Weekend, nitong Sabado, Setyembre 22, sa Baguio City.
Ang Largest Wedding Cake, na idinisplay sa SM Baguio Atrium, ay mas malaki kaysa naunang iprinisinta noong 2007 at 2012. May taas itong 24 feet at 24x20 perimeter, na 4 tier at may flavors na chocolate, banana, carrot at vanilla. Ipinakain ito sa nasa1,500 katao.
Kabilang sa sangkap ang 700 kilo ng unsalted butter, 800 kilo ng asukal, 18,000 itlog, 150 lata ng evaporated milk, 30 sako ng harina, 20 sako ng cake flour, 10 kilo ng walnut, 10 kilo ng baking powder, 10 kilo ng baking soda, 50 kilo ng cocoa powder, 18 kilo ng ricos powder, 500 kilo ng carrots, 10 lata ng corn oil, at 1,500 liters ng whip topping.
Ayon kay Andrew Pinero, HRAB media officer, ang grupo na may mahigit 200 miyembro ay patuloy sa pagpiprisinta sa publiko ng mga unique na programa at proyekto upang higit pang mapasigla ang industriya ng turismo sa lungsod.
Bukod dito, ang HRT ay sentro para sa mga tourism at culinary students sa Cordillera hanggang sa Central at Northern Luzon, para mabigyan ng tamang edukasyon at mga kaalaman sa kani-kanilang kurso, sa pamamagitan ng mga kumpetisyon at training.
Para sa kasiyahan at regalo sa ginanap na mass wedding, ang largest wedding cake ay unang pinagsaluhan ng 43 couple, matapos silang ikinasal ni Mayor Mauricio Domogan.
Ang Kasalang Bayan ay bahagi ng ipinagdiriwang na Family Month, at ng selebrasyon ng 109th Baguio Day.
-Sinulat at mga larawang kuha ni RIZALDY COMANDA