Iniutos na kahapon ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapatupad ng sapilitang evacuation sa mga residente sa lugar ng landslide sa Itogon, Benguet, dahil na rin sa banta ng bagyong ‘Paeng’ sa Cordillera region.
Kabilang din sa pinalilikas ang mga tauhan ng search at rescue team na patuloy na naghuhukay sa landslide area, dahil sa panganib sa kinatatayuan ng kanilang incident command post.
Inilabas ng MGB ang babala nang makipagpulong ang Assessment Team ng MGB Central Office, na pinamumunuan ni Supervising Science Research Specialist Liza Soccoro Manzano kay Presidential Adviser on Political Affairs Secretary Francis Tolentino kaugnay ng natuklasan nilang palaki nang palaking bitak ng bundok sa pinangyarihan ng landslide, kamakailan.
Paliwanag ni Manzano, bago lang ang nasabing bitak na hindi nakikita nang simulan ang pagsasagawa ng search at rescue operations sa unang araw ng pagguho ng lupa.
“With the typhoon Paeng expected to be felt in the locality, there should be no person at the area, to prevent a repeat of the unfateful incident which led to deaths. Even vehicles are prevented from going to the area as the vibration as well as the weight contributes to susceptibility of the mountain eroding,” paliwanag ni Manzano.
Dahil dito, binawasan na ang mga tauhan ng Search, Rescue and Retrieval (SSR) team na nagpapatuloy sa kanilang operasyon sa lugar.
Kaugnay nito, mabilis namang lumalakas ang bagyong may international name na ‘Trami’ ilang oras bago ang inaasahang pagpasok nito sa Philippine area of responsibility (PAR), kahapon.
Sa abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang bagyo sa layong 1,260 kilometro sa silangan ng Central Luzon, kahapon ng hapon.
Taglay nito ang hanging aabot sa 120 kilometreo kada oras at bugsong hanggang 145 kilometro bawat oras.
Ito ay kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Tatawagin itong ‘Paeng’ kapag tuluyan nang pumasok sa Pilipinas.
-Rizaldy Comanda at Ellalyn De Vera-Ruiz