ANG pagdaloy ng tubig at kuryente sa mga kabahayan sa buong bansa ay napakahalagang serbisyo para sa mga mamamayan. Ngunit kung papipiliin ka kung ano sa dalawa ang mawawala sa bahay mo – nasisiguro kong ang tubig ang mas gugustuhin mong manatiling serbisyo.

Napakahalaga ng tubig sa ating araw-araw na pamumuhay, bukod pa ito sa sinasabi ng siyensya na halos

60 porsiyento ng ating katawan ay dinadaluyan ng tubig. Kaya marahil sa isang “jingle” na aking narinig, sinasabi rito ang kahalagahan ng tubig – “Ang tubig ay buhay!”

Kung ganito kahalaga ang tubig, bakit kaya habang todo ang suporta ng pamahalaan sa mga electric cooperative sa buong bansa, ay halos “ipamigay” naman nito ang mga water district – ang mga tanggapang namamahala sa distribusyon ng tubig sa mga lalawigan – sa pamamagitan ng isa-isang pagsasapribado sa mga ito?

Nito lamang buwan ng Hunyo, isinabatas ang R.A. 11039 o tinatawag na Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund (ECERF), na nagbibigay ng pondong P780 milyon bilang suporta sa mga electric cooperative sa panahong nasalanta ng bagyo o iba pang kalamidad ang kanilang hawak na lalawigan. Kaya kung walang “hokus-pokus”, dapat sa mga oras na ito ay naibalik na ang serbisyo ng kuryente sa mga lugar na sinalanta ni ‘Ompong’.

Malaking kabalintunaan naman ito kumpara sa ginawa sa ilang water district sa bansa, na sa halip na tulungan na sumigla, ay pinagbebenta pa – na sa aking paniniwala ay halos ipinamigay na lang sa tinatawag na “silver platter” o sa mga malalaking negosyante.

Ang masamang dating pa nito sa akin ay tila sa kamay lamang ng iilang mayamang indibiduwal, na nagmamay-ari ng malalaking negosyo sa bansa, napunta ang mga water district na ito na dati rin namang kumikita kaya ‘di na kailangan ng ayuda mula sa pamahalaan.

Naglalaro tuloy sa aking isipan na marahil ay mas magandang negosyo at madaling pagkakitaan ang tubig, na nakukuha lamang ng libre sa ating kapaligiran, kumpara sa elektrisidad, na kailangan mo pang likhain sa pamamagitan ng iba’t ibang proseso, bago ito mapadaloy sa mga kawad ng kuryente patungo sa mga kabahayan.

Sa pagkakaalam ko, ang mga ibinentang water district ay makailang ulit na ring nagawaran ng “award for outstanding performance” ng Local Water Utilities Administration (LWUA), ang ahensiyang nagpundar at nagpalaki sa mga water district simula noong 1973.

Ngayong taon, sa ika-45 anibersaryo ng pagkakatatag ng LWUA, ay maraming water district ang binigyang parangal sa kahusayang maghandog ng serbisyo sa mga connectors nila, ngunit ang iba rito ay nakasalang na sa bentahan upang maging pribado.

Kaya nga ang isang malaking katanungan na dapat harapin at sagutin ng mga opisyal na may pakana ng pagsasapribado ng mga water district – ano bang dahilan ba’t nagkakabentahan ng mga water district?

Naalala ko noong dekada ‘60, ng ang serbisyo ng tubig sa Metro Manila ay hawak ng gobiyerno, partikular ng National Water Works and Sewage Authority (NAWASA), maraming lapses sa serbisyo na puwedeng palagpasin – kasi ramdam naman ang puso sa kanilang serbisyo. Noong panahon ng NAWASA walang ora-oradang disconnection kahit ma-late ka ng ilang buwan sa pagbabayad, basta makatuwiran lang ang dahilan. Eh ngayon – putol agad sa unang buwan pa lang. At kapag nagbayad ka na, may dagdag agad na reconnection fee, na pagkamahal-mahal!

Gaya nitong unang kalatas na ipinaskil ng bagong may-ari ng isang malaking water district sa Timog Katagalugan, nakasaad dito, “Na ang lahat ng pagbabayad na gagawin ng mga connectors ay dapat na naka-pangalan na sa bagong kumpanya”. Noon ay service muna bago kita. Ngayon, kita muna bago serbisyo.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.