Nasuspinde ang Twitter account ng aktor na si James Woods sa tweet na ipinost niya ilang buwan na ang nakalipas, na nadiskubreng lumabag sa patakaran ng Twitter.
Ang tweet ay ipinost noong Hulyo 20 na may kasamang hoax meme na umano’y galing sa mga Democrats na naghihikayat sa publiko na huwag bumoto sa midterm elections. Nakatanggap si James ng email mula sa Twitter nitong Huwebes na ang tweet “has the potential to be misleading in a way that could impact an election.” Ayon pa sa email, maaaring gamitin uli ni James ang kanyang account kung buburahin niya ang naturang tweet.
Sa isang exclusive interview sa The Associated Press nitong Linggo, ipinaliwanag ni James na maaari siyang makabalik sa Twitter kapag pumayag siyang gawin ang sinasabi ng Twitter. Aniya, hindi niya buburahin ang tweet.
“Free speech is free speech — it’s not Jack Dorsey’s version of free speech,” sabi ni James, ang tinutukoy ay ang Twitter Chief Executive na si Jack Dorsey.
Ayon naman sa Twitter, “it doesn’t comment on individual accounts for privacy and security reasons”. Inihayag ng tagpagsalita ng social media platform sa pammagitan ng email na wala na siyang maibabahagi pa nang matanong kung direkta bang reresponde si Jack sa mga komento ni James.
“The irony is, Twitter accused me of affecting the political process, when in fact, their banning of me is the truly egregious interference,” buwelta ni James. “Because now, having your voice smothered is much more disturbing than having your vocal chords slit. If you want to kill my free speech, man up and slit my throat with a knife, don’t smother me with a pillow.”
Kung buburahin niya umano ang tweet, mapipilitan siyang bantayan ang kanyang mga susunod na hakbang sa lahat ng aggawin niya sa hinaharap, “chilling free speech”. Ayon pa sa email na natanggap ng aktor mula sa Twitter ay permanente na umano siyang masususpinde sa social media platform kung mauulit ang mga ganitong pangyayari.
Binanggit din niyang ang kanyang original tweet ay ini-repost ng kanyang girlfriend nitong Biyernes at libong beses na ring nai-retweet nitong Linggo. Ang account ng GF niya ay hindi na-lock, na aniya ay patunay na siya lamang ang pinatawan ng ganitong parusa dahil malaki ang kanyang Twitter following.
Si James, na may mahigit 100 acting credits at bumida sa ilang pelikula gaya ng Salvador, Ghosts of Mississippi at Casino, ay mayroong mahigit 1.7 million Twitter followers at kilala para sa kanyang konserbatibong political views. Online pa rin ang kanyang Twitter, pero hindi niya ito kayang buksan. Marami sa kanyang kamakailang tweets ang pananaw niya tungkol kay Supreme Court nominee Brett Kavanaugh at Christine Blasey Ford, na nag-akusa kay Brett ng pangmomolestiya, ilang dekada na ang nakalipas.
Nakasaad sa meme na ipinost ni James noong Hulyo ay #LetWomenDecide at #NoMenMidterm. Ito umano ay mula sa isang Democratic group, ngunit natukoy na ito ay isa pa lang hoax campaign para hikayatin ang liberal na mga kalalakihan na huwag bumoto sa Nobyembre, ayon sa website na knowyourmeme.com.
-Associated Press