BAWAT awiting makabayan ay nagsisilbing inspirasyon at nagpapaalab ng damdaming makabayan sa bawat Pilipinong may pagmamahal sa ating bansa. Mababanggit na isang halimbawa ang ating Pambansang Awit na may pamagat na Lupang Hinirang. Sa mga tiitk o letra ng ating Pambansang Awit, nakapaloob dito ang kahapon, ngayon at bukas ng iniibig nating Pilipinas.
Ayon sa kasaysayan, ang mga tiitk o letra ng Pambansang Awit ay mula sa isang tulang makabayan na may pamagat na “Filipinas” na isinulat ni Jose Isaac Palma. Nalathala ang nasabing tula sa pahayagang “La Independencia”. Ang salin sa Ingles ay isinulat ni dating Senador Camilo Osias na may pamagat na “Philippine Hymn”. Ang mga nagsalin naman nito sa wikang Tagalog na may pamagat na “Lupang Hinirang” ay ang mga makatang sina Ildefonso Santos at Julian Cruz Balmaceda. At noong Mayo 26, 1956, ipinahayag ni Pangulong Ramon Magsaysay ang “Lupang Hinirang” bilang opisyal na bersiyon ng Pambansang Awit.
Ang himig o musika ng Pambansang Awit ay mula sa komposisyon na isinulat ni Maestro Julian Felipe noong Hunyo 11, 1898, na may pamagat na “Marcha Nacional Filipina”. Ang nasabing komposisyon ay nagawa sa utos ni Heneral Emilio Aguinaldo. Ayon kay Heneral Aguinaldo, ang pagkakaroon natin ng Pambansang Awit ay simula ng maalab na kilusan ng mga Pilipino upang mabuhay nang marangal at kapantay ng alinmang lahi sa buong daigdig.
Sinasabing isang linggo bago ang nakatakdang pagpapahayag ng kalayaan ng Pilipinas, inatasan ni Heneral Emilio Aguinaldo si Maestro Julian Felipe na kumatha ng isang tugtugin o komposisyong makabayan. Nagawa naman ang tugtugin ni Maestro Julian Felipe. Naging inspirasyon niya sa pagkatha ng nasabing tugtugin ang mga hirap na dinanas ng ating bansa. Noong gabi ng Hunyo 11,1898, sa harap ni Heneral Emilio Aguinaldo at ng ilang heneral ng Himagsikan, tinugtog sa piyano ni Maestro Julian Felipe ang kanyang komposisyon sa himig ng martsa.
Hiningaan ni Heneral Emilio Aguinaldo ang komposisyon at pinagtibay na ang tugtugin ang maging pambansang awit. Tinawag itong “Marcha Nacional Magdalo”. Magdalo ang pangalan ni Heneral Aguinaldo sa Himagsikan at ng kanyang pangkat sa Cavite. Hango ito sa pangalan ni Sta. Maria Magdalena, ang patroness ng Kawit, Cavite. Nang itatag ang Republika ng Pilipinas noong Enero 23, 1896, ang “Marcha Nacional Magdalo” ay pinalitan ng “Marcha Nacional Filipina”.
Ang pormal na pagtugtog ng Pambansang Awit ay naganap noong Hunyo 12, 1898 nang ipahayag ni Heneral Emilio Aguinaldo ang Araw ng Kalayaan sa Kawit, Cavite.Tinugtog ito ng Banda San Francisco de Malabon (Heneral Trias na ngayon) kasabay ng pagtataas ng ating Pambansang Watawat..
Makalipas ang isang taon, ang Pambansang Awit ay nagkaroon na ng mga liriko o titik. Noong Setyembre 3,1899, ang tulang “Filipinas” sa Kastila ng makabayan at makatang si Jose Isaac Palma at ang “Marcha Nacional Filipina” ay pinagsama. Inilathala ito sa “La Independencia”, ang pahayagan ng Unang Republika. Mula noon ay ipinahayag ni Heneral Aguinaldo na ang “Marcha Nacional Filipina” bilang ang pambansang awit ng Pilipinas.
Sa ngayon, isang Senador ang balak na baguhin ang huling liriko ng ating Pambansang Awit na: “aming ligaya na ‘pag may mang-aapi, ang mamatay nang dahil sa ‘yo” ay palitan ng “ipaglaban kalayaan mo”.
Marami tayong mga kababayan at mga makabayan ang nagpahayag ng matinding pagtutol sa balak ni Senador Tito Sotto. Hindi dapat palitan ang huling linya ng Pambansang Awit. Huwag itong pakialaman dahil isa itong insulto sa sumulat ng Pambansang Awit. Huwag ding baguhin ang kasaysayan. Ang himig at mga titik ng Pambansang Awit na isinulat ni Maestro Julian Felipe at Jose Isaac Palma ay mahalaga at hindi na malilimot na pamana ng Himagsikan.
Ang mga titik ng ating Pambansang Awit na: “AMING LIGAYA NA ‘PAG MAY MANG-AAPI, ANG MAMATAY NANG DAHIL SA ‘YO” ay hindi nangangahulugan ng pagkatalo kundi ito’y isang pangako na ipaglalaban ang kalayaan ng Pilipinas kahit na ang maging kapalit pa ay buhay o kamatayan ng bawat isang Pilipino.
-Clemen Bautista