SISIMULAN ng nakaraang Reinforced Conference third placer BanKo Perlas Spikers ang kanilang kampanya sa Premier Volleyball League Open Conference sa pamamagitan ng paggapi sa Iriga-Navy, 25-14, 19-25, 25-17, 25-9, noong Sabado ng gabi sa FilOil Flying V Centre.

Nabalahaw pa sa second set ang Perlas Spikers makaraang pumangit ang kanilang reception na sinamantalang Lady Oragons upang makatabla sa laban.

“Siguro first game, first game jitters,” ani BanKo coach Ariel Dela Cruz . “Pero happy naman kami sa pinakita namin kasi nga may kulang kami na player. Good performance naman.”

Pinangunahan ni Nicole Tiamzon Perlas Spikers na lumarong wala ang skipper na si Sue Roces na nagtamo ng wrist injury sa ensayo sa itinala nitong 16 puntos, kasunod sina Dzi Gervacio at Joy Dacoron na kapwa tumapos na may tig- 15 puntos.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nanguna naman si dating FEU Lady Tamaraw Rizalie Amaro para sa Iriga sa iniskor nitong 10 puntos.

Nauna rito, winalis ng Petrogazz ang kayunggaling Tacloban, 25-22, 25-14, 26-24.

Nagtala si dating La Salle standout Paneng Mercado ng 14 puntos upang pangunahan ang nasabing tagumpay ng Angels.

Samantala, habang isinasara ang pahinang ito kahapon, lumalaban ang Perlas Spikers kontra Petrogazz kasunod ng tapatang Ateneo-Motolite at Pocari -Air Force para sa ikalawang sunod nilang panalo sa Imus Sports Center sa Cavite.

-Marivic Awitan