PINAGTATALUNAN ang tungkol sa tindi ng epekto sa Pilipinas ng trade war ng Amerika at China. Isinisi kamakailan ni Pangulong Duterte sa nasabing sigalot sa kalakalan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa Pilipinas, sinabing mataas ang pandaigdigang presyo ng langis dahil sa sigalot. At ito, sa pagtingin ng administrasyon, ang pangunahing dahilan sa paglobo ng inflation sa ating bansa.
Nagsalita ang Pangulo hinggil sa nagtataasang presyo ng bilihin makaraang pumalo sa nine-year high na 6.4 na porsiyento ang inflation rate ng Pilipinas noong nakaraang buwan, sa panahong binabayo ng Amerika at China ang isa’t isa ng mga taripa na nagpapataas sa mga presyo sa dalawang bansa. Kasabay nito, bumagsak ang piso kontra dolyar sa pinakamababa sa nakalipas na 13 taon, sa P53.8 bawat isang dolyar.
Gayunman, hindi agad sinisi ng mga tagapamahalang pinansiyal ng ating bansa ang Amerika sa lokal na problema sa pagtaas ng presyo. Sinasabi nilang domestically driven ang ekonomiya ng Pilipinas, lalo at umaabot lang ang export sa 18.8% ng Gross Domestic Product (GDP). Sa ganon, hindi lubos na apektado ng trade war ang mga iniluluwas ng Pilipinas sa China at US.
Nag-ugat ang digmaan sa taripa nang ireklamo ni US President Trump ang US trade gap na $336 billion noong nakaraang taon sa China, na pinakamalaki nitong trading partner, na naging dahilan umano ng malaking gap. Naging taktika niya para malutas ang problema ang magpataw ng taripa sa mga produkto ng China, upang bumaba rin ang inaangkat na produkto ng Amerika sa China. Umaasa siyang maitatama ng China ang kawalan ng balanse sa pamamagitan ng pag-aangkat ng mas maraming produkto mula sa Amerika.
Sa halip, tinugunan ito ng China ng pagpapataw ng taripa sa mga produkto ng Amerika. Ang inisyal na taripa ng Amerika na $50 billion sa mga produkto ng China ay ginantihan ng kapalit na $50 billion taripa ng China para sa mga produkto ng Amerika. Patuloy na umigting ang sigalot sa kalakalan nitong nakaraang linggo nang ihayag ni President Trump ang pagpapataw ng taripa sa $200-billion halaga ng panibagong Chinese import. Agad na sinagot ito ng China at nangakong tatapatan ng katumbas na taripa ang bawat dagdag na taripa ng Amerika.
Maraming eksperto ang nagsasabing hindi magtatagumpay ang ginawa ni President Trump. Ang China, tulad ng maraming bansa sa Asya, ay sensitibo sa mga ganitong uri ng pagbabanta. Ang “pagkakakilanlan” — reputasyon, dignidad at karangalan ay mahalaga para sa mga Asyano. Kung susuko ang China sa harap ng mga pagbabanta ng Amerika, mawawalan ito ng pagkakakilanlan. Hinihiling nito na ibigay ang patas na respeto, at hindi tratuhin na tulad sa paraan kung paano tratuhin ng mga bansang kanluranin ang mga sinakop nitong bansa sa Asya.
Nagkataon naman, na katulad na pangamba ng mga Asyano sa “pagkakakilanlan”, ang humahadlang sa pakikipagnegosasyon ng Amerika sa North Korea. Nang lumantad si Kim Jong-Un para ihayag ang denuclearization ng Korean Peninsula, umaasa siya ng parehong positibong tugon mula sa Amerika. Ngunit sa halip, iginiit ng Amerika ang palugit para sa partikular na hakbangin ng North Korea sa denuclearization nito.
Makakaasa tayong patuloy na titindi ang sigalot sa kalakalan ng Amerika at China gamit ang salitang pagpapataw ng taripa. Tulad ng sinabi ng chief economist na si Sung Won Sohn ng SS Economics, isang consulting firm sa Los Angeles, hindi uubra ang taktika ng US President sa paraan ng pag-iisip ng China. Kaya naman hindi natin masisilayan ang pagtatapos ng trade war kung hindi babaguhin ni President Trump ang kanyang taktika, at makipagnegosasyon na lang sa halip na magbanta.
Para sa Pilipinas, maaaring hindi natin nararamdaman ang epekto ng trade war sa ngayon, ngunit kung magpapatuloy pa ito nang matagal, maaari nitong maapektuhan ang buong mundo, kabilang tayo rito sa Pilipinas.