Kalaboso ang isang factory worker makaraang pagsasaksakin ang kanyang kainuman nang pabiro siya nitong tawaging bading sa Valenzuela City, nitong Huwebes ng gabi.

Nakapiit ngayon sa himpilan ng Valenzuela City Police si Alex Lasdose, 26, ng Natividad Street, Barangay Mapulang Lupa.

Ginagamot naman sa ospital si Jobert Ocbena, 24, kalugar ng suspek, dahil sa saksak sa tiyan.

Ayon sa report, bandang 9:00 ng gabi at nag-iinuman ang biktima at suspek kasama ang isang Arjay Bacalla sa harap ng isang paupahang bahay sa Natividad Street.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nagkakatuwaan pa raw ang tatlo at nagbibiruan hanggang sa tawagin ni Ocbena bading si Lasdose, na napikon, kinuha ang patalim na ginamit sa paghahanda ng pulutan, at dalawang beses na sinaksak sa tiyan ang biktima.

Kahit may tama, nagawang makatakbo ni Ocbena, at sinundan naman ni Bacalla, saka dinala sa ospital.

Inaresto ng pulisya ang suspek, na nabawian ng ginamit na patalim, at nahaharap sa frustrated homicide.

-Orly L. Barcala