Atletang may ‘buphthalmos’, kinapos sa asam na ginto

BAGUIO CITY – Sa kabila ng iniindang karamdaman, pilit na nakibaka ang batang karate jin mula sa Negros Oriental para maabot ang minimithing tagumpay sa sports.

LARAWAN ng katatagan ang na-injured na si Albert Waminal nang tanggapin ang silver medal mula sa mga opisyal ng Philippine Sports Commission at Baguio City Mayor Mauricio Domogan (kaliwa), habang sagad ang aksiyon sa beach volleyball match sa Batang Pinoy National Finals sa Baguio City. (PSC PHOTOS)

LARAWAN ng katatagan ang na-injured na si Albert Waminal nang tanggapin ang silver medal mula sa mga opisyal ng Philippine Sports Commission at Baguio City Mayor Mauricio Domogan (kaliwa), habang sagad ang aksiyon sa beach volleyball match sa Batang Pinoy National Finals sa Baguio City. (PSC PHOTOS)

Ngunit, sadyang hindi naaayon ang kanyang kalusugan sa napili niyang sports.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Napalitan ng emosyon at pangamba ang isa sanang selebrasyon ng tagumpay at determinasyon nang mapilitang ideklarang ‘no contest’ ang finals ng boys karate finals nang magdugo ang kaliwang mata ng 16-anyos na si Albert Waminal ng Siaton, Negros Oriental.

Aksidenteng tinamaan ang kaliwang mata ni Waminal sa kanilang ‘sparring match’ sa huling araw ng kompetisyon sa Baguio City National High School.

Imbes na mismong venue ng karatedo, naganap ang awarding ng silver medal kay Waminal sa Baguio City General Hospital.

Mismong sina Philippine Sports Commission (PSC ) Commissioner Ramon Fernandez at Celia Kiram, kasama si Baguio City Mayor Mauricio Domogan ang nagbigay ng silver medal sa matikas na karateka.

Ayon sa attending physician na si Dr. Lorenzo Fernandez, Vice-Chairman ng Department of Opthalmologist dito, naging mahina ang buto sa parting mata ni Waminal bunsod ng sakit na ‘buphthalmos’ na natamo niya noong bata pa lamang siya.

“Yung kaso niya ay buphthalmos. Noong bata pa siya, na-detect na ito sa kanya. So noong tinamaan siya sa parte ng mata, naapektuhan na kaya dumugo. The best thing we can is eye prosthesis para ma-saved yung eye sight ng kaliwang mata niya,” pahayag ni Dr. Lorenzo.

Sa kabila nang pinsalang natamo, matapang na sinabi ni Waminal na itutuloy pa rin niya ang kanyang pagsasanay para makapaglaro muli sa kanyang Local Government Unit (LGU) at matupad ang pangarap na maging miyembro ng National Team.

“Tuloy pa rin po ang laro ko. Kaya ko naman po eh. At saka pangarap ko po na makasali sa National Team balang araw,” ayon kay Waminal.

Iginiit naman ni Fernandez na irerekomenda nila na isailalim sa gamutan si Waminal upang masiguro ang kanyang kalusugan at kaligtasan.

“If ever, kailangan masiguro muna nating malusog siya. Nakahihinayang dahil determinado ang bata, pero kung mako-compromised yung health and safety niya, we have to evaluate kung ano ang recommendation ng doctor,” pahayag ni Fernandez.

Iginiit naman ni Richard Lim, head ng karate technical official, na hindi nabanggit ng coach ni Waminal na may kondisyon sa mata ang bata bago pa lumahok sa elimination ng torneo.

“Actually, hindi namin alam na may kondisyon na ganun yung bata. Prior pala ng BP meron na siyang injury na ganun. So kami naman as technical committee inaaccept lang namin according sa inilagay ng mga coaches. Hindi naman nasabi sa amin ng coach may sira ang mata ng bata,” aniya.

Binalikat ng Mayor’s Office ang gastusin sa ospital ng nasabing atleta, habang nagbigay naman ng tulong pinansyal ang Philippine Sports Commission (PSC) ng kabuuang P50,000.

Samantala, nakaamba ang Baguio City na maidepensa ang overall title sa Batang Pinoy National Championship bunsod nang matikas na kampanya sa iba’t iban event sa penultimate day ng torneo.

Sa kasalukuyan, tangan ng City of Pines ang pangunguna tangan ang kabuuang 46 ginto, 46 pilak at 57 na tanso.

Humakot ng gintong medalya ang Baguio City sa mga sports na Wushu kung saan 13 ang kanilang nakuha, taekwondo (10), judo (8), wrestling (8), tig-dalawa sa athletics at archery habang tig isa naman sa karate, triathlon at swimming.

Nakabuntot naman Quezon City (21-12-16), Cebu City (20-25-28), Laguna Province (20-8-20) at Cebu Province (16-9-15).

-ANNIE ABAD