SA hangaring mas lalo pang mailapit ang volleyball sa sambayanan sa pamamagitan ng ‘live’ na mga laro, muling magdaraos ang Premier Volleyball League ng mga out-of-town games para sa Season 2 Open Conference na magsisimula ngayon.

Volleyball | Pixabay

Ang una sa anim na out of town games ay gaganapin sa Malolos Sports and Convention Center sa Bulacan kung saan maghaharap ang koponan ng Iriga at Tacloban gayundin ang Pocari at PetroGazz sa Setyembre 26.

Susunod ang dalawang larong idaraos sa Imus Sports Center sa Cavite sa Setyembre 29 kung saan magtatapat naman ang Iriga at Pocari gayundin ang Creamline at PetroGazz.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Magkakaroon din ng mga laro sa Baliwag Star Arena sa Bulacan kung saan magtutuos ang Pocari at BanKo-Perlas gayundin ang Ateneo at Creamline sa Oktubre 21.

Ang susunod na host ng out of town games ay ang Batangas sa Oktubre 28 kung saan magaganap ang sagupaang Tacloban-Iriga at Ateneo-Creamline.

Magdaraos din ng laro sa Legazpi City, ang ikalawang duwelo ng Pocari at Creamline sa Nobyembre 11 at ang pinakahuli ay magaganap sa Cagayan de Oro kung saan magtutunggali ang Creamline at BanKo-Perlas sa Nobyembre 17.

Ang lahat ng mga nalalabing mga laro ay gaganapin sa Filoil Flying V Center sa San Juan, ayon sa organizer Sports Vision president na si Ricky Palou.

-Marivic Awitan