ILOILO CITY - Iniutos ng Sandiganbayan na suspendihin si Dingle, Iloilo Mayor Rufino Palabrica III dahil sa pangangasiwa ng munisipyo sa drugstore business ng opisyal noong siya pa ang alkalde ng munisipalidad taong 2014.

Ang 90-day preventive suspension order ay inilabas ni Associate Justice Sarah Jane Fernandez, ng 6th Division ng anti-graft court nitong Agosto 13, ngunit inilabas lamang sa publiko nitong Huwebes.

Ito ay may kaugnayan sa kinakaharap ni Palabrica na kasong paglabag sa Anti- Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) dahil sa umano’y usapin ng conflict of interest kaugnay ng pagkakaroon niya ng botika sa palengke ng Dingle, na pinangasiwaan ng munisipyo noong alkalde pa siya, taong 2014.

Sa record ng kaso, nagbigay umano ng business permit si Palabrica sa mismong drugstore at pumirma rin sa isang lease agreement bilang lessor (nagpapaupa) at lessee (umuupa).

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Nitong 2016, nanilbihan si Palabrica bilang bise alkalde sa nasabing lugar ngunit sinibak ng Office of the Ombudsman sa puwesto sa isa pang conflict of interest case nang mapatunayang nagkasala sa grave misconduct at dishonesty nang gumamit ng isang dummy ang asawa nito para sa isang business company na may mga transaksiyon sa pamahalaang lokal ng Dingle noong 2007-2009.

Gayunman, binaligtad ng Court of Appeals (CA) ang dismissal order ng Ombudsman na nagresulta sa pagkakabalik niya sa posisyon bilang vice mayor sa lugar.

Nitong Hulyo 2018, nagbitiw sa posisyon si incumbent Mayor Jessie Alecto kaya naging alkalde na si Palabrica.

-Tara Yap