Makukulong ng 10 taon si dating Bansalan, Davao del Sur Mayor Edwin Granada Reyes at dalawang iba pa, dahil sa pagbibigay ng permit para sa pagbebenta ng mga paputok, kahit ito ay ipinagbabawal ng batas.
Ito ay matapos mapatunayan ng 7th Division ng Sandiganbayan na nagkasala si Reyes sa kasong graft.
Bukod sa dating alkalde, inatasan din ng hukuman na makulong sina Business Permits and Licensing Officer (BPLO) Rita Domingo, at Bansalan Police chief, Supt. Solomon De Castilla. Natuklasang naglabas si Reyes ng mayor’s permit na nagpapahintulot na maibenta ang mga paputok sa Bansalan public market, noong Disyembre 14, 2009.
Gayunman, nagkasunog sa nasabing pamilihan nang sumiklab ang mga paputok dahil sa isang upos ng sigarilyo, at naabo ang Building No. 2, kabilang ang mga katabing stalls ng palengke, Disyembre 27 ng nasabing taon.
Nagawang maisampa ang reklamo laban kay Reyes kaugnay ng pagpapalabas niya ng permit sa kabila ng umiiral na ordinansa na nagbabawal sa pagtitinda ng mga paputok sa naturang gusali ng pamilihan.
-Czarina Nicole O. Ong