Tatlong katao, kasama ang isang Egyptian, ang inaresto ng mga pulis sa buy-bust operation sa Pasay City, nitong Huwebes ng gabi.
Sa report kay Northern Police District (NPD) Director Chief Supt. Gregorio N. Lim, kinilala ang mga suspek na sina Gloria Abdalla, 55; Alfredo Mendoza, 53, electrician; at Gamial Abdalla y Mohammad, 64, Egyptian, freelance consultant, pawang taga-Barangay 26, Pasay City.
Kuwento ni Director Lim, dakong 6:30 ng gabi nang nagkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng NPD-Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa lugar ng mga suspek.
Isa sa mga pulis ang nagkunwaring buyer at kumuha ng plastic sachet ng shabu, na nagkakahalaga ng P500, mula kina Mendoza at Abdalla.
Matapos iabot ang droga, hinuli na ng mga pulis ang dalawa, na nakumpiskahan pa umano ng dalawa pang plastic sachet ng hinihinalang shabu.
Itinuro naman nina Mendoza at Abdalla ang isa pa nilang kasamahan, ang Egyptian na si Mohammad.
Nagkasa rin ng buy-bust laban sa dayuhan at nasamsam umano rito ang P2,000 halaga ng shabu.
Kinasuhan na ang tatlo ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).
-Orly L. Barcala