NAGA CITY, Cebu - Inamin kahapon ng isang cement manufacturing company na nagsagawa sila ng earth moving operations sa Sitio Tagaytay, Barangay Tinaan bago gumuho ang bahagi ng bundok sa lugar nitong Huwebes, na ikinasawi ng 25 katao.

Gayunman, ipinaliwanag ni Apo- Cemex Corporation Spokesperson Chito Maniago na nagsasagawa lang umano ng road developments sa lugar ang kanilang mga tauhan at hindi nagku-quarry.

Ang lugar na tinutukoy ni Maniago na Sitio Tagaytay ay kinatitirikan ng Apo Land and Quarry Corporation (ALQC), na nagbibigay ng raw materials sa nasabing kumpanya ng semento.

Nakahanda rin aniya ang kumpanya na maisailalim sa imbestigasyon kung kinakailangan dahil magsasagawa rin umano ito ng sariling pagsisiyasat upang matukoy ang mga bagay na maaari pang baguhin sa kanilang operasyon.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Naging emosyonal naman si Naga City Mayor Kristine Chiong nang isalaysay ang huling pagkakataon bago ang landslide.

Nang makaharap ang mga mamamahayag, isinalaysay ng alkalde na nakatanggap siya ng ulat nitong Agosto 28 na nagkakaroon na ng bitak ang bahagi ng bundok sa Bgy. Tinaan, kaya kaagad siyang naglabas ng cease and desist order laban sa ALQC upang itigil ang operasyon nito.

Gayunman, kinumpirma umano ang Mines and Geosciences Bureau (MGB)-7 na hindi quarrying operations ang dahilan ng nasabing bitak, at hindi rin umano ito delikado sa mga residente sa lugar.

-LESLEY CAMINADE VESTIL