PANAHON ng pamumulaklak ng mga talahib sa mga bundok, burol at parang kung Setyembre hanggang sa kalagitnaan ng Oktubre na simula na rin ng pagsimoy ng malamig na hanging Amihan. At kapag nasa kasagsagan na ang pamumulaklak ng mga talahib, ang ibabaw at paanan ng mga bundok, burol at parang ay tila may nakapatong na puting kumot kung tatanawin at titingnan. At sa mahina at kung minsan ay malakas na simoy ng Habagat, isinasayaw nito ang mga bulaklak ng talahib. Kung malakas ang Habagat, nalalagas ang mga bulaklak ng talahib. Inililipad ng hangin sa iba’t ibang lugar. May nakararating sa mga kabayanan. May inililipad ng hangin sa loob ng bahay kung bukas ang mga bintana. Ang ibang talahib na tangay ng hangin ay bumabagsak sa dagat at nagsisilbing pagkain ng mga isda.
Mababanggit na halimbawa ang Laguna de Bay. Mabilis ang paglaki at paglusog sa lawa ng mga ayungin, biya, kanduli, tilapia, bangus, dalag, karpa at iba pang isda sa lawa na nahuhuli sa baklad, sakag, pante, kitid at iba pang pamalakaya na gamit ng mga mangingisda.
Sa kasaysayan naman ng iniibig nating Pilipinas, isa sa mahalagang bahagi ng kasaysayan na hindi malilimot na naganap sa buwan ng Setyembre ay ang pagpapairal ng Martial Law o Batas Militar ng rehimen at diktaduryang Marcos. Ang imposition o pagpapahayag ng Batas Militar ay naganap noong Setyembre 21, 1972. Ang Martial Law ng rehimeng Marcos ay itinuring na madilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas sapagkat sa panahong iyo sinupil at sinikil ang dalawang mahalagang elemento ng buhay ng mga Pilipino -- ang kalayaan at demokrasya.
Ang Martial Law ay pinairal at ipinatupad ni dating Pangulong Fedinand Marcos sa pamamagitan ng nilagdaan na Proclamation 1081. Ang nasabing proklamasyon ay lihim na nilagdaan ni Marcos noong gabi ng Setyembre 21, 1972. Batay sa “Notes on the New Society of the Philippines” binigyang-diin ni Marcos na hindi siya naging Pangulo para pamunuan ang pagkamatay ng Republika ng Pilipinas, bagkus, nais daw niyang sagipin ang demokrasya. Inilunsad niya ang ‘Bagong Lipunan” ngunit sa pagkakadeklara ng Martial Law ni dating Pangulong Marcos, ay isang kabalintunaan ang nangyari sapakat siya mismo ang pumatay sa Republika ng Pilipinas. Inagaw ni Marcos sa sambayanang Pilipino ang kanilang kalayaan at demokrasya.
Sa pagpapatupad ng mapanupil at mapanikil na rehimeng Marcos, ang dalawang parang mga asong masunurin ay sina dating Pangulong Pangulong Fidel V. Ramos na PC Chief at Vice Chief of Staff noon at dating Senador Juan Ponce Enrile na Defense Minister naman noon.
Sa pamamagitan ng mga nilagdaang General Order ni Pangulong Marcos, nakontrol ang tatlong sangay ng pamahalaan. Naipasara ang Kongreso, ang lahat ng media facilities at naipakulong ang mga kalaban sa pulitika ng diktador at naipaaresto kahit walang warrant of arrest. Naipakulong din ang mga makabayang peryodista at broadcaster sa radyo at telebisyon.
Ang mga probisyon at maging ang transition period ng 1973 Constitution ay tailor-made o pabor lahat kay Pangulong Marcos. Noong 1976, sinusugan ang Bagong Saligang Batas. Sa Amendment No.6, binigyan ng kapangyarihan ang Batasang Pambansa na bumuo ng batas ngunit kontrolado ni Marcos.
Ang Martial Law ay tumagal nang may 14 na taon. At isa sa hindi malilimot na pangyayari sa Martial Law ng mga taga-Rizal, ay ang pagkakaagaw sa 14 na maunlad at mayaman na bayan sa lalawigan. Isinama ito sa binuong Metro Manila upang maging governor at magkaroon ng kapangyarihan si Imelda Romualdez Marcos. Naghirap tuloy ang lalawigan ng Rizal. Mabuti na lamang at hindi nasiraan ng loob ang mga sumunod na namuno sa Rizal na sina Rizal Governor Casmiro “Ito” Ynares, Jr. at Rizal Congressmen Bibit Duavit at Ding Tanjuatco. Nagtulung-tulong sila na muling maibangon ang Rizal alang-alang sa susunod na mga kabataan at henerasyon.
Nagwakas ang Martial Law at napalayas ang diktador sa Malacañang sa pamamagitan ng EDSA People Power Revolution noong Pebrero 25, 1986. Ang naging sandata ng mamamayan ay ang pagkakaisa, dasal at mga bulaklak na itinapat sa bibig ng baril ng mga sundalo. Nagtungo sa Hawaii ang diktador, kasama ang pamilya at ilang cabinet member. Doon na sila naninirahan at naganap namatay ang diktador noong Setyembre 28, 1989. Sa mga Pilipinong mapagmahal sa kalayaan at demokrasya, hindi na sila papayag na muling magkaroon ng bagong diktador at punong mapanupil at mapanikil ang iniibig nating Pilipinas.
-Clemen Bautista