INIHAYAG ng Japanese defense ministry ngayong linggo na makakasama ng helicopter carrier na “kaga” at mga destroyer na “Inazuma” at “Suzutsuki” ang Japanese submarine na “kuroshio” sa isang anti-submarine warfare exercise sa South China Sea. Tumawag ang submarine sa Cam Ranh Bay ng Vietnam nitong Lunes, at sinamahan ang tatlong barkong pandigma na nasa timog kanluran lamang ng Scarborough Shoal.
Ang Scarborough Shoal ay ang Panatag, na tinatawag ding Bajo de Masinloc. Isa itong maliit na isla sa kanlurang bahagi ng Zambales, na sakop ng 370-kilometrong Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea. Ngunit noong 2012, sa isang komprontasyon sa mga barko ng China, pinili ng Pilipinas na umatras kaya naman ngayon ay inilalarawan sa mga ulat sa ibang bansa ang lugar bilang “Beijing-controlled”, bagamat pinahihintulutan ang mga Pilipinong mangingisda na pumalaot sa karagatan.
Inilarawan bilang bagong pagsubok ang pagpasok ng mga barkong pandigma ng Japan sa South China Sea para sa itinatatag na militar ng China at sa dagat, na 80% ang inaangkin bilang kanilang teritoryo. Tulad ng Amerika at ng iba pang bansa na malapit sa dagat, hindi kinikilala ng Japan ang sinasabi nitong karapatan kaya ngayon ay nagsasagawa ito ng isang panghukbong-dagat na pagsasanay sa lugar.
Ilang bansa, lalo na ang Amerika, ang naninindigan na isang international waterway ang South China Sea at hindi ito maaaring angkinin ng anumang bansa bilang malayang teritoryo nito. Regular na nagpapadala ang Amerika ng mga barko nito sa nasabing dagat, upang ipaalala ang kalayaan sa paglalayag, at nagpapalipad ng kanilang mga eroplano malapit sa mga islang itinayo ng China mula sa mababato at maliliit na isla. Matagal nang ipinoprotesta ng China ang hakbang na ito ngunit wala pang anumang marahas na kumprontasyong nagaganap.
Ang desisyon ng Japan na magpadala ng submarine, carrier at dalawang destroyer sa pinag-aagawang dagat ay isa sa pinakamalalaking hadlang sa pag-angkin ng China ng soberanya sa lugar. Nagdudulot ito ng takot, lalo dahil may kasaysayan ng hindi pagkakaunawaan ang dalawang bansa na mahigpit na magkalaban noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. May panahong inokupa ng Japan ang karamihan sa silangang bahagi ng China.
Matapos matalo ang Japan sa Amerika at sa mga kaalyado nito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pansamantala itong pinamunuan ni Gen. Douglas MacArthur at nagawang ipatupad ang konstitusyon pacifist. Ngunit ngayo’y may hakbang si Prime Minister Shinzo Abe na baguhin ang konstitusyon. Ang naging desisyon nito kamakailan na magpadala ng mga barkong pandigma bilang pansalag sa pag-aangkin ng China sa South China Sea ay maaaring bahagi ng umiigting na kamalayan ng Japan sa matagal na nitong pigil na kapangyarihan.
Umaasa tayong walang katotohanan ang pinangangambahang kumprontasyon, na ang pandigmang pagsasanay sa lugar ay mananatili bilang isang pagsasanay. Subalit kinakailangan ng mabuo ang isang pagsisikap upang malutas ang matagal nang sigalot sa karapatan “through talks”, tulad na rin ng binanggit ng foreign ministry ng China sa isa nitong panawagan sa Tokyo.