PANSAMANTALANG tinangay ng bagyong “Ompong” at ng panganib na idinulot nito sa mga lugar sa bansa ang mga kritikal na isyung pinangangambahan ng mga Pilipino. Marami sa mga suliraning ito ang kinakailangan ng aksiyon mula sa pamahalaan—pederalismo, ang kaso ni Trillanes, pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang bigas, at marami pang iba. Ngunit habang papalapit ang Ompong at nang tumama na ito sa lupa, naisantabi ang lahat sa pagtutok natin sa pananalasa ng malakas na bagyo.
Hindi inasahan ang pagbaba ng presyo ng mga gulay ilang araw bago manalasa ang bagyo, dahil sa agarang pag-ani ng mga magsasaka ng kanilang mga pananim bago pa masira ang mga ito ng malakas na hangin, na nagdulot ng pansamantalang oversupply. Nagsimula na ring dumating ang mga bigas mula sa Vietnam at Thailand, kaya’t unti-unti na ring humuhupa ang presyo ng bigas. Inilabas din ang mahigpit na babala laban sa mga nagmamanipula ng presyo. Gayunman, nagbalik nang muli ang mataas na presyo, dulot naman ng pagtaas ng presyo ng gasolina at ang pagbaba ng supply ng pagkain sa Hilaga.
Isa itong magandang panahon para sa Kongreso upang ikonsidera ang mungkahing pagtatatag ng Department of Disaster resiliency (DDR). Sa kanyang State of the Nation Address nitong Hulyo, nanawagan si Pangulong Duterte sa Kongreso hinggil sa pag-apruba ng panukalang-batas na lilikha ng bagong departamento “with utmost urgency.” Sinabi ng Pangulo na ang panukalang-batas “will be a significant step toward attaining safe, adaptive, and disaster-resilient communities by leading efforts to reduce the risk of natural hazards and the effects of climate change.”
Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III, na siyang naghain ng Senate bill para sa mungkahing ahensiya, na tututok ito sa tatlong pangunahing salik—ang disaster risk reduction, preparedness and response, and recovery and building.
Para sa isang bansa na madalas salantain ng mga bagyo, baha at landslide, pagsabog ng bulkan, lindol at iba pang pagbabago sa panahon tulad ng El Niño at La Niña, pinamamahalaan ang mga sakunang ito ng mga nakakalat na ahensiya ng pamahalaan. Na malimit ay nagkakabanggaan pa.
Mangangailangan ang bagong ahensiya ng sapat na pondo at makakakumpitensiya ang ibang mga programa ng pamahalaan na paglalaan ng pondo sa pambansang budget. Ang mungkahing pederal na sistema ng pamahalaan na may 18 rehiyonal na gobyerno bukod pa sa kasalukuyang pambansa at lokal na pamahalaan ay mangangailangan din ng malaking halaga ng pondo. Ang “Build, Build, Build” na programang pang-imprastraktura ay isa pang programa ng administrasyon na nangangailangan ng pondong higit trilyong piso. Kailangan din ng puwersang tagapagtanggol ng bansa ng mas maraming barko, eroplano, at mga armas. Kung gayon, magiging abala ang Department of Budget and Management lalo’t ikinokonsidera itong prioridad ng administrasyon.
Sa kabila ng bagong departamento, maraming indibiduwal na proyekto ang hahawakan ng ibang mga ahensiya—konstruksiyon ng mga evacuation center ng Department of Public Works and Highways, bilang halimbawa. Mananatili naman sa Department of Social Welfare and Developments ang aktuwal na pamamahagi ng mga emergency relief goods.
Ngunit ang mungkahi at katwiran para sa mga proyekto at aktibidad ay manggagaling sa Department of Disaster Resilency, na tututok sa pangunahing suliranin ng kalamidad na nakatakda sa ating bansa.