ABERDEEN (AP) — Isang babaeng manggagawa sa isang drugstore warehouse sa Maryland ang nagkaroon ng argumento sa trabaho nitong Huwebes ng umaga, at nagsimulang pagbabarilin ang kanyang mga kasamahan na ikinamatay ng tatlo bago siya ng nagbaril sa sarili, ayon sa mga awtoridad at saksi.

Inilarawan ng mga manggagawa sa Rite Aid distribution center sa hilagang silangan ng Maryland ang nakapapangilabot na mga sandali ng “crazy” gunfire at pagsisigawan at pagtatakbuhan ng mga tao matapos ang pamamaril.

Sa news conference, kinilala ni Harford County Sheriff Jeffrey Gahler ang suspek na si Snochia Moseley, 26 anyos, taga- Baltimore County, at temporary employee ng distribution center.

“She had reported for her workday as usual, and around 9 a.m. the shooting began, striking victims both outside the business and inside the facility,” ani Gahler. “We do not at this time have a motive for this senseless crime.”

Internasyonal

Thailand, kauna-unahang bansa sa Southeast Asia na nagpatupad ng same-sex marriage

Sinabi ni Krystal Watson, 33, na ikinuwento ng kanyang asawang si Eric, nagtatrabaho sa pasilidad, na nakikipagtalo ang suspek sa isang indibidwal malapit sa time clock matapos ang “town hall meeting.”

“And she went off,” aniya. “She didn’t have a particular target. She was just shooting.”

Gumamit si Moseley ng 9 mm Glock handgun na nakarehistro sa kanyang pangalan.

Tatlong biktima ang namatay sa mga tinamong sugat at tatlong pang sugatan ang nakaligtas. Namatay si Moseley sa ospital dahil sa self-inflicted gunshot wound, ani Gahler.

WALANG PINOY

Kaugnay nito, walang natatanggap na ulat ang Department of Foreign Affairs (DFA) na may nadamay na Pilipino sa malagim na insidente.

Ayon kay Ambassador Jose Manuel Romualdez, walang nasagap na balita ang Filipino community leaders sa Baltimore na may nadamay na Pinoy.

Ipinaabot ni Romualdez ang pakikiramay at simpatiya ng Pilipinas sa nangyari.

Batay sa datos ng Embahada, mayroong 7,800 Pinoy sa First Congressional District ng Maryland, na sumasakop sa Harford County.

May ulat ni Bella Gamotea