KAMAKAILAN lang naging viral sa social media ang video ng isang tsuper sa China na nagpakita ng kagandahang loob sa isang babaeng pasahero.
Sa simula ng video, isang babae na malusog ang pangangatawan at hindi kagandahan ang sumakay sa isang pampasaherong bus.
At dahil rush hour, siksikan na sa loob ng bus at walang maupuan ang kaawa-awang babae kaya’t nagtiis na lang ito na nakatayo sa biyahe.
Ilang sandali lamang ay napansin na ito ng driver ng bus kaya’t pinakiusapan nito ang mga pasahero na magbigay daan sa naturang babae upang ito ay makaupo.
Marahil ay umiral ang awa sa driver nang mapansin nitong pagod na ang naturang babae nang ito ay sumakay.
Subalit imbes na pakinggan ang pakiusap ng driver, tumingin lamang sa kisame ng bus ang mga pasahero na tila walang narinig.
Sa puntong ito, hindi pa rin sumuko si Mamang driver.
Sa kasagsagan ng kanyang pagmamaneho, bigla nalang nitong nilisan ang driver’s seat at nagtungo sa kinatatayuan ng pobreng babae.
At doon niya inalok ang naturang pasahero na umupo sa driver’s seat.
Habang papasalita pa lang ang babae ay inakay na siya ng driver at pinaupo sa driver’s seat.
Nagawa ito ni Mamang Driver habang tumatakbo ang bus.
Siyempre, nataranta ang mga pasahero nang bigla nilang nakita na ang babae na ang may hawak ng manibela.
Sa takot na bumangga ang bus, ay sabay-sabay silang tumayo at inalok ang kanilang upuan sa babae, upang hindi na siya ang magmaneho ng bus.
Nakakatawa’t nakalulungkot din ang mensahe ng video.
Ito’y nagpapatunay lamang na hindi na iginagalang ng mga kalalakihan ang mga kababaihan.
Ang naturang video ay kuha sa China. Ano kaya’t gawin din ito ng driver ng mga pampasaherong bus dito upang matauhan din ang makakapal na mukha ng ilang kalalakihan?
Hindi lamang kababaihan ang nakararanas ng ganitong maling pagtrato.
Maging ang mga may kapansanan, nakatatanda at buntis ay hindi rin binibigyan ng mauupuan sa mga pampublikong sasakyan.
Ito ay sa kabila ng nakapaskil sa mga upuan sa unahan ng bus na ito ay naka-reserve sa PWD, buntis at senior citizen.
Sabagay, maging ang ating Pambansang Awit ay ganun-ganun din kung bastusin.
Ito ay senyales na bumababa na ang moral at dating magandang asal ng mga Pinoy.
Ito na ba ang bagong henerasyon?
Wala na ba tayong magagawa upang maibalik ang magandang asal na dati’y tinitingala ng mga dayuhan?
Nagtatanong lang po!
-Aris Ilagan