Hindi ma-access ang ilang lalawigan na sinalanta ng bagyong ‘Ompong’, kaya hindi pa ganap na maibalik ang supply ng kuryente sa mga ito—sa katunayan, limang lalawigan ang aabutin pa ng susunod na buwan bago tuluyang magkakuryente uli.

Batay sa kumpirmasyon ng Department of Energy (DoE) nitong Martes, nananatili pa ring walang kuryente ang Ilocos Sur, Nueva Vizcaya, Kalinga-Apayao, Mountain Province, Abra, at Ifugao.

Ito ang sinabi ni DoE Spokesperson Felix William Fuentebella sa Philippine News Agency (PNA).

Setyembre 15 nang nag-landfall ang Ompong sa Baggao, Cagayan at kaagad na lumabas sa Philippine area of responsibility (PAR) kinagabihan, bagamat labis ang naging pananalasa nito sa maraming lugar sa Northern Luzon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Iniulat ng DoE nitong Martes na naibalik na ang supply ng kuryente sa 54 na porsiyento ng mga apektadong kabahayan, pero inaming pahirapan ang pagbabalik ng kuryente sa ibang lugar.

“Some areas are flat land, the others are in the mountains. Access is the main issue,” sabi ni Fuentebella.

Dahil dito, nagtakda ang DOE ng iba’t ibang target na petsa para sa full power restoration ng mga apektadong lugar, habang ilang lugar ang aabutin na ng susunod na buwan bago maibalik ang supply ng kuryente.

Ang ibang lugar, dahil sa kawalan ng access, ay sumasailalim pa sa assessments kaya wala pang aktuwal na petsa ng pagbabalik ng kuryente nito.

Ayon sa DoE, sa Oktubre 6 ang target na full power restoration sa Ilocos Sur, Oktubre 15 sa Kalinga-Apayao, habang ina-assess pa kung kailan maibabalik ang kuryente sa Nueva Vizcaya, Abra, at Ifugao. Tinataya namang magkakakuryente nang muli ang Mountain Province sa Setyembre 30.

Samantala, 52.42% nang restored ang kuryente sa Ilocos Norte, 77.3% sa La Union, 6.74% sa Cagayan, 86.36% sa Isabela, 77.3% sa Quirino, 50.37% sa Benguet, 92.99% sa Aurora, 96.61% sa Zambales, samantalang ganap nang naibalik ang kuryente sa Pangasinan, Batanes, Nueva Ecija, Batangas, at Laguna.

PNA