INANUNSIYO nitong nakaraang linggo ni French President Emmanuel Macron ang walong bilyong euro ($9.3 billion) programa na tututok sa kaharipan sa kanyang bansa. Nakatuon ito sa pagbibigay ng trabaho sa kanyang mga tao at pagtulong sa mga kabataan na magkaroon ng mas maayos na edukasyon upang makatulong sa kanila sa pagkuha ng mas maayos na trabaho sa hinaharap.
“I don’t want a plan that leaves the poor living in poverty, only more comfortably,” pahayag niya sa kanyang talumpati sa Museum of Mankind sa Paris. “I want them to be given the choice—and the possibility—not to be poor anymore.”
Layunin ng apat na taong plano na makapagbigay ng tulong sa mga walang trabahong tao upang makabalik sa pagtatrabaho sa halip na tanging tulong pinansiyal ang ilaan. Hangad din nito ang mas magandang edukasyon para sa mahihirap na bata upang sa hinaharap ay magkaroon ng mas maayos na opurtunidad sa pagkuha ng mas magandang trabaho.
Kabilang sa programa ang mga lugar para sa mga bata sa nursery upang makapagtrabaho o makapagsanay sa paaralan ang kanilang mga magulang, at ang compulsory job training para sa mga huminto ng pag-aaral na wala pang 18-anyos. Tatakbo ang programa sa susunod na apat na taon.
Sa huling taon ng kanyang administrasyon, nagkaroon din ng katulad na programa si dating United States President Barack Obama upang tulungan ang mga residenteng walang trabaho sa Amerika. Kargado ng ilang bahagi ang kanyang American Jobs Act---ang pagtapyas sa buwis upang matulungan ang maliliit na negosyo na lumago upang mangailangan ng mas maraming empleyado, pagbabalik ng marami sa trabaho habang patuloy na pinauunlad ang Amerika, mas maraming kita o pera para sa bawat Amerikanong manggagawa. Isa sa mga bahagi ng plano ang tinawag na “pathways back to work for Americans looking for jobs.”
Kung ang US sa huling taon ni administrasyon ni Pangulong Obama at ang France sa ilalim ng bagong Pangulong Macron ay nakita ang pangangailangan ng mga programang direktang tumutugon sa pagbibigay ng trabaho sa mga taong walang hanapbuhay, ang bansang tulad ng Pilipinas ay higit na nangangailangan ng ganitong pagsisikap ng pamahalaan. Sa patuloy na pangunguna ng kawalan ng trabaho bilang problema ng bansa; ito ang ubod ng malawakang kahirapan sa bansa.
Marami tayong programa upang tulungan ang mga mahihirap, ngunit karamihan dito ay mga tulong na proyekto –pagkain at tirahan sa mga biktima ng bagyo, buwanang tulong-pinansiyal sa ilalim ng Conditional Cash Transfer program, mas murang presyo ng bigas sa pamamagitan ng National Food Authority, at iba pa.
Pinababa ng bagong TRAIN law ang buwis sa kita ng mga manggagawa, na nakatulong sa mga empleyado, ngunit ipinataw nito ang taripa sa diesel at iba pang langis, na nagdulot naman ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at ang mga walang trabaho ang higit na nagdusa.
Pinasimulan ng administrasyon ang programang “Build, Build, build” na magpapatayo ng maraming pampublikong gusali, paliparan, pantalan, kalsada at mga tulay. Magbibigay ito ng mas maraming trabaho sa konstruksiyon at pagkatapos ng mga proyekto, ang resulta nitong aktibidad sa ekonomiya ay sinasabing magbibigay ng dagdag na trabaho.
Ang programang inanunsiyo nitong nakaraang linggo ni Pangulong Macron ng France at ang programa ni Pangulong Obama ng US noong 2001 ay nakatuon sa layuning magbigay ng trabaho para sa mga walang hanapbuhay. Higit sa mga programang pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa bilang kabuuan, partikular itong idinisenyo para sa mga mamamayan. Layunin nilang magbigay ng trabaho sa mga residenteng walang pinagkakakitaan, sa halip ma magtayo ng mga istruktura para sa paglago ng ekonomiya.
Tiyak na tatanggapin at ikatutuwa ng mahihirap sa bansa—na naghihirap dahil sa kawalan ng mahanap na trabaho—ang programang tulad nito na direktang nakaplano para sa kanila.