BAGUIO CITY – Tinanghal na ‘most bemedalled atlete’ si Karl Jahrel Eldrew Yulo ng NCR sa nahakot na pitong gintong medalya sa gymnastics competition ng 2018 Batang Pinoy National Finals kahapon sa Baguio City National High School Gym.
Pinagharian ng 10-anyos na si Yulo, nakababatang kapatid ni internationalist Caloy Yulo, ang floor exercise, vault, pommel horse, parallel bars, rings, horrizontal bars at individual all around.
Ito ang ikalawang beses na lumahok sa Batang Pinoy ang batang si Yulo, kabilang sa mga kabataan na kinilala sa Siglab Foundation ng Phoenix.
“Second time ko na po sa Batang Pinoy pero ngayon lang po ako nakakuha ng maraming golds,” masayang sagot ni Yulo sa panayam ng media.
Inamin ng Grade 5 student ng Aurora Elementary School, na bagama’t iniidolo niya ang kanyang kapatid na si Caloy, nais niya itong matalo sa isang labanan.
Higit sa lahat ay napasaya niya ang kanyang mga magulang lalo na ang kanyang ina na ayon sa kanya ay siya niyang numero unong tagasuporta.
“Super proud si mama sa amin. Palagi ko po sinasabit sa kanya yung medals,” pahayag pa ng batang si Yulo.
S a m a n t a l a , n a g i n g makabuluhan ang kampanya ng mga pambato ng Pangasinan , Cebu Province at Tarlac City sa javelin throw ,Triathlon at Cycling sa kanilang naging unang pagsabak sa nasabing kompetisyon.
Naghari si Arjay Rios ng Pangasinan sa javelin throw sa layong 52.11 meters.
Nasopresa ang 16-anyos at tubong Alaminos sa kanyang unang pagsabak sa taunang torneo ng Philippine Sports Commission.
“First time ko po. Hindi po kasi ako nanalo sa shot put. Pero ito po kasi ang pet sport ko. Kaya nagpapasalamat po ako at naka gold po ako dito,” ayon sa Grade 10 student ng Alaminos Integrated School.
Tumapos naman sa ikalawang puwesto ang pambato ng Leyte na si Christian Zamora (50.08) kasunod si Jan Mervin Francisco ng Dasmarinas City (48.39).
Sa triathlon, wagi rin ang first timer na si Marielle Estreba ng Cebu Province, matapos dominahin ang swim-run-bike sa girls 13-15 sa kanyang 50.40 segundo sa orasan.
“Happy po ako kasi first time ko po nagchampion sa triathlon, lagi po kasi akong 2nd or 3rd. Ito po talaga ang goal ko mag champion,” pahayag ng 14-anyos na si Estreba.
Sa Cycling, naging isang magandang pagbabalik-bayan ang karanasan ng anak ng dating siklista na si Virgilio Baluyut na miyembro ng National team, matapos na makakuha ng ginto ang anak na si Marc Van Louie Baluyut ng Tarlac City.
Pinagharian ng batang si Baluyut ang 14-15 criterium race na ginanap sa Burnham Park dito.
“Mas gusto ko kasi na irepresent niya ang Pilipinas kasi Filipino siya eh, so kung magre race siya mas gusto ko sa Philippine, pero syempre siya pa rin ang masusunod,” pahayag ng ama ni Baluyut.
Sa ibang resulta, naitala ni Micaela Jasmine Mojdeh ang kanyang ikaapat na ginto matapos ominahin ang 200M butterfly sa kanyang naitalang 2:32.20.
-Annie Abad