Dapat sibakin ang 10 alkalde na pawang hindi mahagilap nang manalasa ang bagyong ‘Ompong’, sinabi ng isang opisyal ng Palasyo, kahapon. Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang mga local chief executives ang dapat na mamuno sa kani-kanilang nasasakupan sa panahon ng kalamidad, at hindi dapat maunang magtago sa bagyo.

“Tama lang po na kung pupuwede sibakin na iyang mga hindi nagpakita sa panahon ng bagyo,” pahayag ni Roque sa isang panayam sa radyo.

Kaugnay nito, handa ang Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang mga naglahong alkalde, pawang hindi pinangalanan, na mula sa Cagayan at Cordillera.

Ayon kay PNP spokesman Senior Supt. Benigno Durana, Jr., hinihintay na lamang nila ang kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG) bago sila kumilos.

National

Ilang araw bago ang New Year: Bilang ng mga naputukan, pumalo na sa 69

Aniya, pagtutuunan ng imbestigasyon ang kabiguan ng mga alkalde na magpatupad ng preemptive evacuations sa kabila ng banta ng matinding panganib na dulot ng bagyo.

Samantala, binubusisi na ng DILG ang mga ginawang hakbang ng mga lokal na opisyal bago manalasa ang nagdaang bagyo.

Posible rin umanong makasuhan ang mga ito sa oras na mapatunayang nagpabaya sa kani-kanilang tungkulin.

-Genalyn Kabiling at Fer Taboy