MATINDI ang pananalasa ng bagyong Ompong sa Pilipinas. Matindi ang umiiral na inflation (6.4%) o pagtaas sa presyo ng pangunahing bilihin. Matindi ang pagtaas ng halaga ng gasolina at iba pang produktong petrolyo. Matindi ang awayan nina President Rodrigo Roa Duterte at Senator Antonio Trillanes IV.
Samantala, matindi ang hapdi sa sikmura ng mga mamamayan, lalo na ang nasa “laylayan ng lipunan” bunsod ng pagtaas ng presyo ng pagkain, bigas, karne, isda, gulay at iba pa. Gayunman, kumikilos naman ang Duterte administration para matugunan ang mga krisis at problemang humahagupit ngayon sa ‘Pinas.
May pitong milyong estudyante ang apektado ng bagyong ‘Ompong’. Ayon kay Departmant of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones, bago pa mag-landfall si ‘Mangkhut’ o ‘Ompong’, sinuspinde na ang mga klase sa 11 rehiyon. Ginawa ring evacuation centers ang mga paaralan.
Batay sa report ng DepEd, ang apektadong rehiyon na suspendido ang mga klase hanggang noong Biyernes ay Regions 1, 2,3, 4-A, 5, 6, 8, 10, 13, ang Cordillera Administrative Region at Metro Manila. Sabi nga ng kaibigan ko: “Buwisit ka ‘Ompong’, pati pag-aaral ng mga kabataan ay pinipinsala mo. Sige ka, baka magalit sa iyo si Rizal sapagkat para sa bayani, ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”
Sumabad naman si senior-jogger na hindi makapag-jogging dahil umuulan: “Kwidaw ka kaibigan, hindi ka dapat manisi. Kalikasan iyan. Hindi natin kayang pigilan ito kundi ang mag-ingat. Heto nga, nagbabanta rin ang Big One (malakas na lindol) sa Metro Manila.”
Nakakuha ng impormasyon ang militar na talagang may karamdaman si Jose Ma. Sison, founding chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP), tulad ng pahayag ni PRRD na may sakit ang kanyang dating propesor.
Batay sa report, nakakuha ang mga tropa ng gobyerno ng umano’y medical records ni Joma sa engkuwentro nila sa New People’s Army sa Lobo, Batangas noong Setyembre 2. Ayon kay Lt. Col. Jonathan Manio ng Army’s Ist Infantry Battalion, naka-recover sila ng mga dokumento tungkol sa medical records ni Joma.
Ayon kay Manio, nakasagupa nila ang NPA sa pamumuno nina Ka Jethro at Ka Janice. Sila umano ang mga pinuno ng NPA’s National Health Bureau. Sinusuri ngayon ng militar ang naturang medical records na nagsasaad na si Sison ay may Stage 4 cancer. Sinabi noon ni PDu30 na si Joma ay may colon cancer. Itinanggi ito ni Sison at nag-akusang si Mano Digong ang may malubhang karamdaman.
Pinasususpinde ang implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law kung nais ng administrasyon na makontrol ang inflation. Dahil daw sa mataas na buwis na ipinapataw sa oil o langis, lahat ng bilihin ay nagsitaas ang presyo. Para kina Albay Rep. Edcel Lagman at ng Makabayan bloc, dapat suspendihin ng Kongreso, na kaalyado ng pangulo, ang TRAIN upang bumaba ang presyo ng mga bilihin at serbisyo.
-Bert de Guzman