KUNG nararamihan na kayo sa mga tiwaling pulis at militar na nasa serbisyo pa sa ngayon, ay tahasan kong sasabihin ko sa inyo na maliit na bahagi lang ito kumpara sa mga matitino at makabayang grupo na tahimik lamang sa gitna ng mga kontrobersiyang pinapasok sa ngayon ng pamahalaan.

Ngunit ang nakatatakot sa mga ito ay ang pagiging mahirap arukin ng kanilang mga damdamin, lalo pa nga’t ang paksang pag-uusapan ay may kaugnayan sa mga puwersang

nagbubungguan sa parating na halalan at ang naiipit naman ay ang kapakanan ng sambayanang Pilipino.

Sa loob ng dalawang dekada – noong ‘80s nang mapatalsik ang rehimen ng diktaduryang Marcos at noong ‘90s na marami ang nagtatangkang muling ibagsak ang demokrasyang tinatamasa sa bansa – nang pagiging mamamahayag ko, naranasan kong makasama o “kumampi” sa magkalabang grupo, upang makakuha ng mga scoop na balita.

At sa “pagkampi” kong ito ay mas madalas kong kasa-kasasama ang mga sundalo at militar na nasa ibaba at gitnang bahagdan ng organisasyon na pilit “pinaiikot” ng kanilang mga “highly politicized” na pinunong may sariling “agenda” rin sa adhikain nilang isinusulong.

Alam kong may mga plano na hindi naman totoo -- mga “psywar operatio” kung tawagin, at sumasakay naman ako sa mga ito, kung minsan, “nagpapagamit” pa nga ako sa kanila, upang malaman at makuha ng “firsthand” ang balitang kalalabasan ng operasyon.

Nang “pumanig” naman ako sa pamahalaan sa paghuli sa mga “rebelde” na gustong magpabagsak sa bagong tatag na demokrasya sa bansa, muli kong nakita ang anino sa likuran ng plano, ang mga “higly politicized” nilang pinuno.

Ito ang dahilan kaya pumanig ako sa pamahalaan. Makailang ulit din akong nakatulong sa pagkakaaresto ng mga gustong magpabagsak noon sa ating gobyerno. Siyempre ang kapalit ay ang mga ekslusibong detalye ng balita.

Hindi totoo ang inaakala ng mamamayan na ang mga pinuno noon sa pulis at militar - na paulit-ulit kong sasabihin na mga “highly-politicized” sa kanilang ginagawa – ang siyang nasunod sa adhikaing kanilang ipinanalo, bagkus ang pagkampi ng ating makabayang pulis at sundalo sa konstitusyon at kapakanan ng mamamayang Pilipino ang namayani. Sa huli, sila ang nasunod – at ang “highly politicized” nilang mga pinuno ang nakinig sa kanila.

Ngunit sa pagpasok ng tagumpay, ang mga pinunong ito na nakiramdam at naging sunud-sunuran lamang sa dikta ng damdamin ng kanilang mga tauhan, ay muling papasok sa eksena upang magtampisaw sa karangyaan dulot ng bagong posisyong nakuha sa bagong administrasyon. Samantalang ang mas nakararaming tauhan ay balik-trabaho sa dati na nilang tiniis na abang kalagayan, dahil sa pagmamahal sa Inang Bayan.

Para akong sirang vinyl (plaka po ito noon) sa pagtawag sa mga pinunong ito na “highly politicized” -- dahil sa nakita at narinig ko, na sa dakong huli ay palaging may nakatutok na pulitiko sa kanilang likuran, na siyang nagdidikta sa “adhikain” na kanilang isinusulong. Ang bawat isa sa mga ito ay may pinupuntirya rin palang mga “lucrative position” na gustong pagkakitaan.

Ang resulta, lugmok pa rin ang Pilipinas sa kahirapan, samantalang ‘yung mga nanguna sa mga nagdaang “rebolusyon” na ipinanalo ng mas nakararaming sundalo, military, at sambayanan ay mga agad nagpayaman habang nakaupo sa puwesto bago masilip at matanggal.

Sa aking palagay, magpahanggang ngayon ay ‘di pa rin naman nagbabago ang mahirap na aruking damdaming ito ng mas nakararaming pulis at sundalo. Tahasan kong sasabihin na ang pagmamahal pa rin sa ating Saligang Batas at kapakanan ng taumbayan ang mamamayani at kakampihan ng mga pulis at militar sa oras ng kagipitan at kaguluhan sa bansa.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].

-Dave M. Veridiano, E.E