Hindi babaling ang gobyerno sa anumang uri ng pandaraya sa midterm, national at local elections sa 2019 para lamang matiyak ang panalo ng mga pambato nito, ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes.
“No way that kaming nasa gobyerno ngayon will take part in any cheating,” ani Duterte sa pakikipagpulong sa mga opisyal sa disaster rescue at relief efforts sa La Trinidad, Benguet nitong Lunes.
“I will never allow it kasi that ain’t the way how to join a democratic government,” aniya.
Nangako rin ang Pangulo na ipatutupad ng militar at pulisya ang istriktong gun control at hindi makikisangkot sa partisan politics.
“I commit to you that the Armed Forces of the Philippines, the Philippine National Police, and I will promise you a clean election. Walang partido-partido,” aniya.
Binigyang din niya sila ng awtoridad na barilin ang mga kandidato na lumabag sa gun ban sa panahon ng halalan.
Maglalatag din ang pulisya ng police checkpoints para masupil ang private armies at loose firearms, ayon sa Pangulo.
Sinabi ni Duterte na hindi niya papayagan ang sinuman na magpagala-gala na may bitbit na Armalite sa panahon ng eleksiyon.
“Bawal talaga ‘yan and if you pass a checkpoint and you do not stop at sinalbahan ka, there’s a warning shot,” aniya.
“And if you think that you’re a g**d*** big time mayor, eh kung mamatay ka, ako talaga ang magsabi, ‘I was the one who ordered it. As a matter of fact, I said it in Baguio. Shoot,’” aniya.
“You think I cannot enforce it? Tingnan mo pag may apat, tatlong mayor namatay diyan sunod lahat ‘yan,” dugtong niya.
-Genalyn D. Kabiling