Isang scientific equipment na maaaring mapanganib dahil nagtataglay ito ng radioactive materials ang iniulat na nawawala nitong nakaraang buwan, sinabi kahapon ng Department of Science and Technology (DoST).

Ang TROXLER 3440 na ginagamit sa pagsubok sa lupa, aspalto, at concrete materials ay iniulat na naiwala ng isang licensee, ayon sa DOST-Philippine Nuclear Research Institute (DoST-PNRI) at ini-report na sa Norzagaray Municipal Police Station.

Ipinaalam na ng DoST-PNRI ang insidente sa Philippine National Police at sa Office of Civil Defense at humiling ng tulong para mahanap ang nawawalang kagamitan.

Ang kagamitan ay isang moisture density gauge, na ginamit ng PNRI licensee, isang industrial firm. May bigat itong 41 kg, at nakalagay sa isang transport ‘orange-colored’ box na may sukat na 30 x 14 x 17 inches.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon sa DoST, fully shielded ang moisture density gauge at ligtas kung hindi gagalawin.

Gayunman, maaaring magdulot ng panganib ang kagamitan dahil ito ay nagtataglay ng radioactive materials na nagpapakawala ng mataas na antas ng ionizing radiation. Pinapayuhan mga makakakita sa device na huwag itong buksan o sirain ang lagayan nito para maiwasan ang exposure sa mapinsalang radiation rays

Kaagad din itong ipagbigay alam sa pulisya o makipag-ugnayan sa DoST-PNRI.

Inaalerto ang scrap metal dealers at buyers ng used metal items habang pinapayuhan ang medical practitioners sa posibilidad na may mga pasyenteng makikitaan ng mga sintomas ng radiation exposure.

-Dhel Nazario