KUNG hindi magbabago ang think tanks o creative departments ng television networks, tiyak na magpapatuloy pa sa pagbaba ang bilang ng mga Pilipinong nanonood sa mga programa nila.

Kris copy

Nakikita ng advertisers ang migration ng publiko sa iba’t ibang uri ng mga libangan, lalo na sa online entertainment, kaya doon nila sinusundan ang kanilang target market.

Ang pagbaba ng net income ng ABS-CBN at GMA-7, ang dalawang major network sa bansa natin, nitong unang anim na buwan ng taon ay may kaugnayan sa mga programang hindi na gaanong nakakahuli ng kiliti ng mga manonood. Kung dati ay halos kalahati ng mga kabahayan ang nakasubaybay sa magagandang soap opera sa primetime, ngayon ay celebration na kapag nakakuha ng 40 percent nationwide.

Relasyon at Hiwalayan

Chloe punumpuno ang puso dahil kay Carlos, inurirat kung kailan papakasal

Kapag nakikita ng advertisers ang ganitong pagbaba ng viewership ng TV shows, pinag-aaralan nila kung saan nagpupunta ang mas marami nating kababayan. Sa kasalukuyan, social media ang umaagaw sa atensiyon ng publiko.

Kapansin-pansin na sa halip na ilabas sa TV network, sa social media ina-upload ang video o advertisements ng iba’t ibang malalaking kompanya. Malaking tipid kung ikukumpara sa daan-daang libong bayad kada segundo sa TV, lalo na kapag nag-viral.

Ang lamang ng manonood sa social media, maaari nilang panoorin nang paulit-ulit ang video na nagiging paborito nila.

Ang malakas na viewership sa Internet ang isa sa mga dahilan ng paglipat sa online ni Kris Aquino, ang pioneer sa pagbubukas ng online business. Sa kasalukuyan, mahigit 50 ang kanyang brand partners. Marami ang ibang artista na sumusubok na sundan ang ginagawa ni Kris, pero hindi pa nila naaabot ang kanyang achievement—mas doble o tripleng kita kumpara noong nasa TV pa siya.

Malaking kawalan sa TV industry ang paglipat niya sa social media. Remember, hanggang ngayon ay ang 70% ratings niya sa unang TV appearance niya sa See True ang record na hindi pa rin mapantayan ng kahit na sinong celebrity o TV show.

Sa sobrang lakas at accessibility ng social media, kinakailangan nang magbago ang mindset ang creative teams ng TV production units. Kailangan nilang umisip ng mga bagong konsepto ng show na magpapabalik sa buong pamilya sa sala upang sabay-sabay na manood.

Dahil ngayong sa cell phones na lang nanonood ang tao, nasa kanya-kanyang kuwarto na lang sila, busy sa nagugustuhan nilang panoorin online.

Nawala na ang showbiz talk shows. Pati sitcoms o comedy shows, unti-unti na ring tumatabang sa panlasa ng viewers. Drama series ang nananatiling pinakamalakas, sa kabila ng pagbaba rin ng viewership nito.

Pero sana ay huwag ding tuluyang maging nakakasawa dahil halos magkakapare-pareho na ang kuwento at masyado nang predictable

-DINDO M. BALARES