INILUNSAD ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang selyong kinatatampukan ni National Artist Lucrecia R. Kasilag, bilang pag-alaala sa ika-100 taon (1918-2018) ng kanyang kapanganakan.

Ito ay upang lubusan ding makilala ang talentong Pilipino sa larangan ng musika.

Nabatid na si Lucrecia R. Kasilag, o mas kilala sa tawag na Tita King, ang isa sa mga maipagmamalaki ng lahing Pilipino sa pagiging tagapagturo, kompositor, manunulat, mananaliksik, lector, tagapaglabas, at administrador pang-kultura.

Inilaan ni Tita King ang kanyang buhay sa pagpapaunlad ng musika at ng mga musikero.

Bretman Rock, ibinida ang Filipina Barbie Doll na likha ng Fil-Am artist

Itinatag ni Tita King ang tanyag na Philippine Music Ensemble upang maipakita ang iba’t ibang mukha ng musikang Pinoy. Siya rin ang hinirang na tagapangasiwa ng League of Filipino Composers sa loob ng 30 taon, at nagsulat ng mahigit sa 250 komposisyon.

“Dahil sa kanyang mga nakamit na karangalan at kontribusyon, itinampok si National Artist Lucrecia R. Kasilag sa pinakabagong selyo ng PHLPost upang bigyan ng pagkilala ang kanyang mga nagawa sa pag-unlad ng sining at kultura sa bansa,” sabi ni Postmaster General Joel Otarra.

Idinisenyo ng PHLPost in-house artist na si Victorino Z. Serevo, tampok sa selyo ang larawan ni Tita King at ang world famous na Philippine Music Ensemble.

Nag-imprenta ang PHLPost ng 50,000 kopya ng selyo, na mabibili ng P12 bawat isa.

Si Tita King ay isinilang noong Agosto 31, 1918 sa San Fernando, La Union at lumaki sa Paco, Maynila.

Ang selyong nagtatampok kay Tita King ay maaari nang mabili sa Post Shop, Central Post Office, Door 203, Liwasang Bonifacio, Manila at sa lahat ng sangay ng PHLPost sa buong bansa. Para sa karagdagang katanungan, maaaring tumawag sa 527-0108 o sa 527-0132.

-MARY ANN SANTIAGO