Welcome kay Department of Justice (DoJ) Secretary Menardo Guevarra ang naging pasya ng korte sa kaso ni retired Army Maj. Gen. Jovito Palparan. Jr. hinggil sa pagdukot sa dalawang estudyante ng University of the Philippines (UP) na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan noong 2006.
Kahapon ay hinatulan ng Malolos Regional Trial Court ng guilty sa kidnapping at serious illegal detention si Palparan at dalawang kapwa akusado niyang sina Lieutenant Colonel Felipe Anotado at Staff Sergeant Edgardo Osorio.
Habambuhay na pagkakakulong ang sentensiya sa tatlo, na inatasan ding magbayad ng P100,000 bilang civil indemnity at P200,000 moral damages sa mga naulila nina Cadapan at Empeño.
Sa naging pahayag ng pamilya ng mga biktima, pinasalamatan nila ang mga piskal ng DoJ dahil sa pagsusulong ng kaso laban kina Palparan, Anotado at Osorio.
Ang tatlo ay nahatulan ng habambuhay na pagkakabilanggo.
Habang ang isa pang akusado na si Rizal Hilario ay patuloy na pinaghahanap ng batas.
-Beth Camia at Jun Fabon