ANG unang pinakamalaking importasyon ng shabu na nagkakahalaga ng P6.4 bilyong ay nakalusot na sa Bureau of Customs (BoC). Dahil sa tip ng Chinese enforcement agency, natunton ang naturang shabu sa isang warehouse sa Valenzuela.
Ang House Committee on Public Safety ni Cong. Ace Barbers ang siyang agad nag-imbestiga rito. Pero, maingat itong ginawa upang ilagay lang ang pananagutan sa level ni Faeldon at sa iba pang nakasama niya sa mutiny laban kay dating Pangulong Gloria na kaempleyado niya sa BoC.
Ganito rin sana ang nais gawin sa Blue Ribbon Committee nang sumunod nitong imbestigahan ang nasabing iskandalo. Dito nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Chairman Richard Gordon at Sen. Antonio Trillanes IV. Nais ipatawag ni Trillanes sa imbestigasyon si Vice Mayor Paolo Duterte ng Davao, anak ng Pangulo, at si Atty. Mans Carpio, ang kanyang manugang na asawa ni Mayor Sara Duterte, dahil nabanggit na ang kanilang mga pangalan.
Tutol man si Gordon, wala siyang nagawa kundi ipatawag ang dalawa. Dito naganap iyong pag-amin ni VM Duterte na may tattoo siya sa likod sa pagtatanong ni Sen. Trillanes. Subalit nang hilingin ng Senador na ipakita niya ito, tumanggi siya. Ayon sa Senador, ang tattoo na ito ay patunay na kasapi siya ng sindikato ng droga na nag-o-operate sa Asya.
Bagamat inamin naman ni Atty. Carpio na nakipagkita siya noon kay Faeldon, sinabi niyang ito ay kaugnay ng transaksiyon ng kanyang kliyente sa BoC.
Ibinasura ng Department of Justice (DoJ) ang kasong isinampa laban kay Faeldon kaugnay ng P6.4-bilyon shabu shipment. Pero, dinidinig pa lang ang kanyang kaso, tinanggal siya bilang BoC Commissioner at inilipat siya sa Department of National Defense.
Samantala, sinampahan naman ng DoJ ng drug importation case ang siyam na suspect, kabilang dito ang umano ay fixer na si Mark Ruben Taguba II, Chen J Long, aka Richard Tan, Richard Chen, Cebu-based businessman Kenneth Dong, Eirene Mae Tatad, customs broker Teejay Marcellana, at iba pa.
Si Chen ang may-ari ng kumpanyang nagpasok ng kargamento kabilang ang shabu. Si Kenneth naman ang tumulong para maipasok ang kargamento sa pangalan ni Marcellana bilang consignee. Ang problema, idinismis ng Regional Trial Court ng Valenzuela, Branch 171 ang kaso dahil wala itong hurisdiksyon. Ang importasyon ay nangyari sa Maynila, kaya dito inilipat ng DoJ ang kaso.
Pero nagsampa na naman ang DoJ ng kasong drug transportation at delivery laban sa mga akusado sa Valenzuela. Ibinasura ng Valenzuela RTC Branch 284 ang kaso dahil, aniya, forum-shopping na ang ginawa ng mga abogado ng gobyerno.
Ang natirang kasong kaugnay dito sa P6.4-bilyon shabu shipment ay ang ilegal na importasyon na na-dismiss sa Valenzuela at inilipat ng DoJ sa Maynila. Ang naiwang nililitis sa Valenzuela for possession of illegal drugs ay ang namahala ng warehouse na si Fidel Anoche Dee.
Dito talaga hahantong ang pagsisikap ng gobyerno na mapanagot ang responsable sa pagpapalusot sa BoC ng P6.4 bilyon halaga ng shabu. Ganito naman kasi ang nangyayari sa war on drugs ng administrasyon, ang mga dukha ang naiipit at napapatay.
-Ric Valmonte