KASUNOD ng matinding pananalasa ng bagyong ‘Ompong’ at hurricane ‘Florence’, ang dalawang mapaminsalang kalamidad na sabay na nanalanta sa Pilipinas at silangang Amerika nitong Sabado, muling iginiit ng mga siyentista ang kanilang babala na ang climate change ang dahilan sa pagtindi at pagiging mas mapanganib ng mga bagyo sa ngayon.
Nanalasa ang Ompong sa Cagayan at Isabela sa Northern Luzon, tumama sa lupa dakong 1:40 ng umaga bitbit ang lakas ng hanging aabot sa 220 kilometro kada oras, at may bugsong aabot sa 305 kilometro bawat oras. Mahigit 60 katao ang kumpirmadong nasawi at nasa 50 ang nawawala hanggang nitong Linggo. Walong lalawigan ang dumanas ng matinding pinsala sa mga linya ng kuryente nito, sa mga bahay at gusali, nagdulot ng mga pagguho ng lupa at nababad sa baha ang mga taniman. Dumagsa ang mga tao sa mga evacuation center hanggang sa Palawan.
Sa kabilang panig ng mundo, kasabay ng Ompong, nanalasa ang Florence sa North at South Carolina, at daan-daang libo ang napilitang lumikas at manuluyan sa mga paaralan at simbahan. Limang katao ang nasawi bago humina ang Florence at naging bagyo bago tumama sa lupa.
Habang nananatiling maingat ang mga meteorologist at siyentista sa pag-uugnay sa Florence sa iisang sanhi tulad ng global warming, sinabi ng Associated Press na karamihan sa mga nakapanayam nitong siyentista ay tiyak sa kaugnayan ng dalawang usapin. “Human-supercharged storms are becoming more common and destructive as the planet warms,” pahayag ni Jonathan Overpeck, dean ng environment school sa University of Michigan.
Sa Paris Climate Agreement noong 2015, mahigit 200 bansa kabilang ang Pilipinas, ang nangako ng aksiyon gamit ang kanya-kanyang kapabilidad upang mabawasan ang kanilang industrial emissions ng carbon dioxide na sinisisi sa patuloy na pagtaas ng pandaigdigang temperatura. Dahil dito, natutunaw ang malalaking tipak ng yelo sa bahagi ng arctic region, na nagpapataas sa karagatan. Naging mas malalakas ang mga bagyo na nagmumula sa maiinit na karagatan.
Pinakabago sa mga bagyong ito ang Ompong at Florence na nagpapakita ng patunay sa taya tungkol sa inaasahang paglubha ng klima sa mga darating na mga taon. Kabalintunaan namang tinanggihan ng Amerika, ang ikalawa sa mga pangunahing nagdudulot ng polusyon sa kapaligiran dahil sa mga industriya nito, ang Paris Agreement nang maupo sa puwesto si President Donald Trump noong 2016. Habang ang China, na pinakamalaking nag-aambag ng greenhouse gasses sa buong mundo, ang namumuno ngayon para sa pandaidigang hakbangin alinsunod sa napagkasunduan sa Paris, kasama ng mga bansa sa Europa.
Mula sa Pilipinas, tinawid ng Ompong ang South China Sea at ibinuhos ang naipong bagsik sa Hong Kong at sa ibang mga lungsod sa baybaying bahagi ng China bago humina at malusaw sa malawak na kalupaan ng Asya. Katulad nito, unti-unti ring hihina ang lakas ng Florence habang patuloy na kumikilos papasok sa lupaing bahagi ng kontinente ng Amerika.
Marami pang Ompong at Florence ang maaaring manalasa sa daigdig bago magkaroon ng tiyak na epekto ang pagsisikap ng mga bansang lumagda sa Paris Agreement. Ngunit kailangang magpatuloy ang pagkilos at umaasa tayo na maiibsan nito ang lakas ng tumitinding bagyo, na napapadalas na rin sa kasalukuyan.