Nasa 20,000 sako ng bigas ang ipinadala ng United Nations Food Program bilang ayuda sa mga biktimang nasalanta ng bagyong ‘Ompong’.
Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) warehouse sa Pasay City ang tumanggap sa mga donasyong bigas.
Tiniyak din ng UN Food Program na tutulong ang tanggapan sa post typhoon assessment ng pamahalaan sa Region 2 at Cordillera Administrative Region (CAR).
Bukod dito, nagkaloob din ng P31 milyon halaga ng humanitarian supplies ang Australia para sa mga biktima ng naturang bagyo.
Nabatid na ang humanitarian supplies na tulong ng Australia ay kinapapalooban ng mga kumot, banig o sleeping mat, hygiene at shelter kits.
Samantala, wala pang inilalabas na listahan ang Department of Food Authority (DFA) ng mga bansang nag-alok ng humanitarian assistance sa Pilipinas.
-Bella Gamotea