Sinibak kahapon ng Philippine National Police (PNP) sa puwesto ang dalawang hepe ng pulisya sa Mindanao dahil sa magkasunod na pambobomba sa rehiyon, na ang huli ay nangyari sa Midsayap, North Cotabato, nitong Linggo ng gabi.

Inihayag ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na kabilang sa tinanggal sa posisyon sina Chief Insp. Patrich Elma, hepe ng General Santos City Police-Station 2; at Midsayap Municipal Police chief, Supt. Samuel Cadungon.

Ang pagsibak sa dalawa ay sa utos ng regional police, habang si Elma ay pinalitan ni Senior Insp. Davis Dulawan, samantalang si Supt. Joan Maganto naman ang humalili kay Cadungog.

Dakong 7:15 ng gabi nitong Linggo nang pasabugan ang isang videoke bar sa Barangay Poblacion 4, Midsayap, North Cotabato.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ayon kay Midsayap Deputy Police chief, Senior Supt. Jumrell Amotan, nangyari ang insidente sa Theresa’s Place videoke bar.

“Nobody was hurt and bomb experts are still conducting post blast investigation,” ayon kay Amotan.

Nangyari ang pambobomba may 50 metro ang layo mula sa himpilan ng pulisya ng Midsayap.

Wala pang umaako sa insidente, ayon sa pulisya.

Nauna rito, binomba rin ng dalawang hindi nakilalang lalaki ang isang botika sa national highway ng Crossing Makar sa GenSan.

Nasugatan sa insidente sina John Lenon Calong, 22; Felipa Regidor, 63; Jeslly Yvone Guyos, 19; Anthony Faller, 24; Claire Uozoia, 24; Joana Bless Alipio,6; Lanie Alipio,34; at Marlon Orabia, 30; pawang taga- GenSan.

-FER TABOY at AARON RECUENCO, ulat ni Ali G. Macabalang