Standings W L
LPU 12 0
SBU 11 1
CSJL 7 4
CSB 7 4
UPHSD 5 5
AU 4 6
MU 3 8
SSC-R 3 9
EAC 2 9
JRU 2 10
Mga laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. – CSB vs MU (Men)
4 p.m. – UPHSD vs AU (Men)
MAKABAWI mula sa dikit na kabiguang nalasap sa kamay ng San Sebastian College sa nakaraan nilang laban ang tatangkain ng College of St.Benilde upang makapagsolo sa ikatlong puwesto sa pagsabak nila ngayong hapon kontra Mapua sa pagpapatuloy ng NCAA Season 94 basketball tournament.
Magtutuos ang Blazers at ang Cardinals sa unang laban ganap na 2:00 ng hapon sa Filoil Flying V Center sa San Juan. Kasunod nito ang tapatan ng season host University of Perpetual Help at ng Arellano University ganap na 4:00 ng hapon.
Kasalukuyang katabla ng St.Benilde ang Letran sa ikatlong puwesto taglay ang parehas na markang 7-4, panalo-talo kasunod ng mga namumunong Lyceum (12-0) at San Beda (11-1) matapos silang ungusan ng Stags noong nakaraang Setyembre 11, 66-65.
Inakala pang ipuprotesta ng Blazers ang laro pagkaraang ideklarang “not counted” ang buzzer beater ni Justin Gutang na dapat sana’y nagbigay sa kanila ng tagumpay hanggang sa mapagdesisyunang tanggapin na lamang ang pagkatalo.
Dahil dito, tiyak na sa laro kontra Mapua ibubuhos ng CSB ang kanilang pagkadismaya.
Sa kabilang dako,magtatangka namang makapagtala ng back-to-back wins ng Cardinals (3-8) kasunod ng huling panalo noong Setyembre 13 kontra Jose Rizal University sa pamamagitan ng tangkang pagbawi sa 79-90 kabiguan nila sa St.Benilde noong unang round.
Samantala sa tampok na laro, kapwa naman maghahangad na mapalakas ang pag-asa nilang makahabol pa sa Final Four ang Altas at ang Chiefs.
Magkasunod ngayon sa ika-4 at ika-5 posisyon ang Perpetual (5-5) at Arellano (4-6) kabuntot ng Knights at Blazers na tabla sa third.
-Marivic Awitam