KAPAG sumasapit ang ‘ber’ months—September, October, November at December—ay may hatid itong iba’t ibang kahulugan. May nagsasabing isang magandang panahon ito upang magpakita pa lalo ng sipag sa trabaho at gawain lalo na para sa mga nagtatrabaho sa pamahalaan, pribadong tanggapan, pabrika at iba pang business establishment.
Pangunahing dahilan: ay ang pagkakaroon ng Christmas bonus ng mga empleyado sa pamahalaan at maging sa mga pribadong opisina at iba pang business establishment (kung hindi makunat na parang belekoy ang mga employer). Kasunod ng Christmas bonus ang 13th month pay.
Ngunit may mga business establishment na hindi naibibigay nang buo ang 13th month pay sa mga empleyado at manggagawa. Binabarat ng mga tuso at maramot na employer. Ang Christmas bonus at 13th month pay ay malaking tulong sa mga empleyado at manggagawa sapagkat bago mag-Pasko ang mga nanay at iba pang ina ng tahanan ay maibibili nila ng bagong damit at sapatos ang kanilang mga anak na magagamit para sa araw ng Pasko. Ang nalabing pera’y malaking tulong para sa iba pang mga gastusin ng pamilya.
Ang ber months sa mga lalawigan ay simula at panahon ng pagbubuntis ng uhay ng palay na itinanim ng mga magsasaka. At pagsapit ng Nobyembre hanggang sa kalagitnaan ng Disyembre at unang linggo ng Enero, ang mga magsasakang maagang nagtanim ay nagsisimula nang mag-ani. Masasabing masagana ang ani at masaya ang magsasaka kung ang mga pananim nila’y hindi pininsala ng bagyo at ulan na karaniwang nangyayari kung Setyembre at Oktubre. Ngunit kapag hinagupit ng bagyo, ang mga tanim na palay ay nalulubog sa tubig. At ikinalulungkot ito ng mga magsasaka sapagkat sa aanihin nilang palay ay marami ang tulyapis o palay na walang laman.
Mababanggit na halimbawa ang pananalasa at hagupit ng bagyong ‘Ompong’ nitong Setyembre 14, 2018.Tinamaan ng nasabing bagyo ang Hilagang Luzon. Batay sa tala ng Philippine National Police (PNP), mahigit 30 katao ang nasawi sa bagyo na nagdulot ngpagbaha sa ibang lalawigan sa Hilagang Luzon.
May mga nasawi rin sa landslide o pagguho ng lupa tulad ng nangyari sa isang pamilya sa Barangay Banao, Kayapa, Nueva Vizcaya. Natabunan ng gumuhong lupa ang bahay ng mga biktima. May iniulat rin na 11 katao ang mga nawawala sa naganap na bagyo.
Ang pagkakaroon ng malakas na bagyo ay karaniwang nagaganap kung ber months. Sa karanasan ng inyong lingkod at iba nating kababayan, hindi na malilimot ang bagyong ‘Ondoy’ na humagupit at nanalasa sa lalawigan ng Rizal at iba pang probinsiya noong Setyembre 26, 2009. Maraming bayan sa Rizal ang naging biktima. Marami ang iniulat na namatay dahil sa bagyo. Ang mga bayan na malapit sa Laguna de Bay ay inabot ng paglaki ng tubig sa lawa. Napilitan silang mag-evacuate at nakitira sa kanilang mga kamag-anak.
Kalagitnaan na ng Enero kung bumaba ang tubig ng Laguna de Bay. Maraming naninirahan sa tabi ng Laguna de Bay na nagdiriwang ng Pasko na ang mga bahay nila ay lubog sa tubig. Kung minsan, halos isang linggo na ang nakalipas ng Bagong Taon, ay lubog pa rin sa tubig ang mga bahay na malapit sa lawa.
Ayon naman sa pahayag ng ilang Rizalenyo na mga dating mangingisda sa Laguna de Bay, ang paglaki at pagtaas ng tubig sa lawa ay karaniwang nangyayari kung nagkakaroon ng malakas na mga pag-ulan kung Setyembre at Oktubre. Ang Laguna de Bay ay parang palanggana na ang tubig-baha dahil ang tubig rito ay mula sa tubig-ilog sa iba’t ibang bayan sa Rizal.
Marami ang nagdarasal na huwag na sanang magkaroon ng malakas bagyo at pagbaha sa buwan ng Oktubre at Nobyembre.
-Clemen Bautista