Muntik nang magbuwis ng buhay ang isang binata at isang pintor makaraan umano silang saksakin ng isang alyas “Demonyo” sa Taguig City, nitong Linggo ng gabi.
Nilalapatan ng lunas sa Taguig- Pateros District Hospital sina Christian Alcober y Balbueno, 33, na nasaksak sa kanang kamay; at Jesus Abilar y Herolaga, 46, may asawa, painter, nasaksak sa leeg, kapwa taga-Barangay South Daang Hari, Taguig.
Pinaghahanap naman ng mga pulis si RJ Grefalda, alyas “Demonyo”, nasa hustong gulang, ng Sucat, Muntinlupa City.
Sa ulat ng Southern Police District (SPD), nangyari ang pananaksak sa Lakefront, Bgy. South Daang Hari sa Taguig, dakong 7:45 ng gabi.
Base sa inisyal na imbestigasyon, kasama ni Alcober ang kanyang mga kaibigan sa lugar nang biglang sumulpot ang suspek na armado ng patalim at sinaksak siya, bagamat nasalag niya ito.
Tinangka ni Alcober na habulin ang suspek subalit hindi nito naabutan.
Gayunman, hinabol ni Abilar si Grefalda pero nang masakote ay sinaksak siya ng suspek sa leeg bago tumakas.
Dinala ng kanilang mga kaibigan ang dalawang biktima sa pagamutan.
-Bella Gamotea