ANG comprehensive tax reform ng administrasyong Duterte ay nahati sa dalawang bahagi. Ang TRAIN 1 na pinairal ang siyang kinokonsiderang salarin sa pagsama ng ekonomiya dahil sa inflation at pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Ang matinding nasapul ng TRAIN 1 ay ang mga nasa laylayan ng lipunan. Lubusang lumobo ang bilang ng mga dukha. Dahil sa hindi naging maganda ang epekto nito sa mamamayan, natagalan ang pag-arangkada ng ikalawang parte ng tax reform sa Senado. Atubili ang mga senador na aksyunan ang TRAIN 2, lalo iyong mag-i-sponsor nito. Samantalang ipinasa na ang bersiyon nito sa Mababang Kapulungan.
Si Senate President Vicente Sotto III ang naglakas-loob na pumatnugot ng TRAIN 2 sa Senado. Pero para maiwasan na masalo ang ngitngit ng taumbayan laban sa TRAIN 1, minaskarahan ang TRAIN 2 ng “TRABAHO” (Tax Reform for Attracting Better and High Quality Opportunities) at ito ay kilala ngayong Senate Bill No. 1906 na inihain ni Senate President Sotto. Ang problema, may probisyon ang panukalang batas na ito na pinawawalang-bisa ang Section 12 ng Republic Act No. 8047 o ang Book Publishing Inustry Development Act. Ang bahaging ito ng batas, inaalis sa sakop ng expanded value added tax ang mga aklat, magazine, babasahin, pahayagan, kabilang ang pagpapalimbag, pagpapalaganap at pagpapakalat ng mga ito. Kapag ipinawalang-bisa ang probisyong ito ng Book Publishing Industry Development Act, na siyang nais mangyari ng “TRABAHO” ni Senate Pres. Sotto, at ito ay naging batas, ang mga produkto at serbisyo ukol sa mga babasahin ay mapapatawan ng buwis. Tataas ang presyo ng mga libro at materyales na ginagamit para sa pagpapalimbag ng mga ito.
“Pwede mong buwisan ang sigarilyo upang pigilin ang paninigarilyo. Pwede mong buwisan ang matamis para sa kalusugan. Pero, ang buwisan mo ang mga aklat ay hindi magtataguyod ng pagbabasa,” sabi ni Clem Malubay, may-ari ng malayang Aklatan Bookstore. “Ang libro ay hindi lamang karaniwang libangan o aliwang maaaring patawan na lamang ng buwis, kung nanaisin. Hindi ito bisyo, tulad ng maraming ibig buwisan ngayon. Isa itong daan patungo sa pagkatuto, paglikha, at pagkilala sa sarili at sa daigdig,” ayon naman sa petisyon ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo at ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas.
Tax on knowledge ang magaganap kapag naging batas na at pinairal ang “TRABAHO”. Tama iyong sinasabing sisirain nito ang kultura ng bansa na magbasa dahil magiging limitado na ang kakayahan ng mamamayan na makabili ng babasahin, dahil sa taas ng presyo ng mga ito sanhi ng ipinataw na buwis. Bukod dito, malilimitahan sa iilan ang industriya ng aklat. Makokontrol ng iilan ang pagdaloy ng impormasyon at karunungan. Iyon lang nais nilang ipaalam sa taumbayan ang kanilang lilimbagin at ikakalat. Hindi ito makademokratiko at labag ito sa karapatan ng taumbayan na makaalam.
-Ric Valmonte