PUNTIRYA ng Creamline ang ikalawang titulo ngayong season habang tatangkain naman ng Pocari-Air Force na mabawi ang korona sa pagsabak nila sa darating na Premier Volleyball League (PVL) Season 2 Open Conference na magbubukas sa Sabado sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Ang iba pang mga koponang kalahok ay ang Adamson-Akari, BanKo-Perlas, Iriga-Navy, Ateneo-Motolite, PetroGazz at Tacloban sa season-ending conference ng ligang inorganisa ng Sports Vision.

Kampeon ng Reinforced Conference , tatangkain ng Cool Smashers na makamit ang ikalawang kampeonato sa mahigit dalawang buwang torneo na itinataguyod ng Mikasa at Asics.

Winalis ng Creamline ang PayMaya sa nakaraang Reinforced finals upang makamit ang titulo sa pamumuno nina Asian Games veterans Alyssa Valdez at Jia Morado na muling mamumuno sa all- Filipino conference.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Hindi naman sumali ngayon ang nakaraang taong kampeong BaliPure ngunit nananatili pa ring talent-laden ang field sa pangunguna ng Pocari na may solidong roster na pinangungunahan ni MVP Myla Pablo.

Inaasahan namang aabangan ang Ateneo-Motolite, na hindi sumali sa nakaraang Collegiate Conference na napamalunan ng University of the Philippines.

Sisimulan ng tapatan ng Tacloban at PetroGazz ang aksiyon sa Sabado ganap na 4:00 ng hapon na susundan ng salpukang BanKo-Perlas at Iriga-Navy sa ika-6:00 ng gabi.

Muling magdaraos ang liga ng mga out-of-town games ngayong Open conference, sa Malolos, Bulacan, Imus, Cavite, Baliwag, Bulacan, Batangas at Cagayan de Oro.

-Marivic Awitan