SA kalendaryo ng kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas, mahalaga ang ika-15 ng Setyembre sapagkat paggunita at pagdiriwang ito ng anibersaryo ng Kongreso sa Malolos---ang naging daan sa pagkakaroon ng hiwalay na kapangyarihan ng tatlong sangay ng pamahalaan --- ang Ehekutibo o tagpagpaganap, ang Lehislatura o Kongreso at ang Hudikatura o Judiciary. Ngayong 2018, ang pagdiriwang ng anibersaryo ng Kongreso sa Malolos ay gagawin sa Setyembre 20. Tatlong sangay na ito ng pamahalaan, ang mga namumuno rito ay binubuo ng mga matatalino, may kakayahan at mga maaasahan sa paglilingkod. At sa pagtupad ng tungkulin at paglilingkod, may lumulutang at nangingibabaw ang mga natatagong talino at kakayahan na umaani ng paghanga at papuri mula sa ating mga kababayan. Ngunit may mga pagkakataon din na nabibigo ang pag-asa ng ating mga kababayan sapagkat hindi maiwasan na ang namumuno at miyembro nito ay hindi nagugustuhan ng iba nating kababayan, sapagkat ang sinulat na mga panukalang-batas na pinagtibay ay parusa at pahirap.
Bigo at durog ang pag-asa ng ating mga kababayan. Ang tangi na lamang nagagawa ng iba nating kababayan ay tandaan ang mga pangalan at ang ginawa ng mga nagpatibay ng panukalang-batas na pahirap at parusa sa bayan. Pagdating ng halalan, parusahan ang mga nasabing mga miyembro ng Kongeso at mga sirkero at payaso sa pulitika sa pamamagitan ng hindi na pagboto sa kanila. Patalsikin at patalunin sa kangkungan ng pulitika.
Ayon sa kasaysayan, ang Kongreso sa Malolos, Bulacan ay naganap noong umaga ng Setyembre 15, 1898 sa simbahan ng Barasoain, Malolos (lungsod na ngayon), Bulacan sa pangunguna ni Heneral Emilio Aguinaldo, ang Pangulo ng Republika.
Sa nasabing Kongreso, sinulat ang Konstitusyon ng matatalino at mga makabayang delegadong Pilipino. Ang wikang Tagalog ang ginamit sa pagsulat ng Saligang Batas. At maging sa pagbibigay ng mahalagang mensahe at talumpati ay Tagalog din ang ginamit na wika.
Ang Kongreso sa Malolos ay isa nang makinang na bahagi ng ating kasaysayan at maituturing na matibay na bantayog ng kakayahan ng mga Pilipinong kumilala sa kahalagahan ng Demokrasya. Taglay ng Kongreso sa Malolos ang mga katangian ng isang malaya at demokratikong lehislatura. Hindi tulad ngayon na sa bawat pagpapalit ng rehimen o administrasyon, ang Kongreso ay nagiging parang stamp pad ng Malacañang. Sunud-sunuran sa pagpapatibay ng mga panukalang-batas na iminungkahi ng palasyo kahit na pahirap at parusa sa bayan. May pagkakataon din na ang mga panukalang batas na pinagtibay ay pabor sa mga maimpluwensiyang negosyante at mga dayuhan.
Sa Kongreso, tuwing magpapalit o magbabago ang rehimen o administrasyon, ang mga sirkero at payaso sa pulitika ay nagpapalit din ng partido. Nagiging mga political butterfly o pulitikong paruparo at mga hunyango dahil sa sariling interes at kapakanan.
Mababanggit na lantay na halimbawa ang nangyari bago nagsimula ang pagbubukas ng joint session ng Kongreso at Senado noong huling Lunes ng Hulyo 2018. Hindi pa dumarating ang Pangulong Duterte sa loob ng Kongreso ay nagkaisa naman ang lahat ng miyembro nito na palitan sa pagka-speaker ng Kongreso si Congressman Pantaleon Alvarez. Pinalitan siya ni dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo. Napanood sa telebisyon ang pagpapalit na parang sabungan. Pasigaw ang pagsasalita sapagkat pinatay ang mikropono. Parang “Kristo” tuloy sa sabungan si dating Pangulong Gloria. Nalaman lamang ni Speaker Alvarez na siya’y pinalitan nang matapos ang pagbubukas ng Kongreso. Siyempre, may dahilan sa pagpapalit. Mayabang daw si Congressman Alvarez at hindi umano pantay ang pagtingin niya sa kapwa kongresista.
Malaki ang pagkakaiba ng Kongreso sa Malolos at ng ating Kongreso ngayon kung paghahambingin. Bukod sa ugaling nagpapalit ng partido ang ibang miyembro ng Kongreso para sa sarili nilang interes at kapakanan, ang iba naman ay nananatiling matapat sa kanilang partidong kinaaaniban. Patuloy sa pagsulat at paghaharap ng mga panukalang-batas na pakikinabangan ng ating mga kababayan. At hindi pabor sa mga maimpluwensiya at tusong negosyante
-Clemen Bautista