Inaasahang bibisita ngayon si Pangulong Duterte sa Cagayan Valley at Ilocos Norte, na hinagupit ng bagyong Ompong, nitong Sabado.

Sa kanyang official schedule, nakatakdang daluhan ng Pangulo ang isang situation briefings sa naging epekto ng bagyo na idadaos sa Tuguegarao City, Cagayan, bandang 12:00 ng tanghali at sunod na bibisitahin ang Ilocos Norte.

Sisilipin din ng Pangulo ang Isabela, isa sa mga lalawigang binayo ng bagyo.

Una nang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na uunahing puntahan ni Duterte ang mga lugar na naapektuhan ng nasabing kalamidad, depende na rin sa lagay ng panahon.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“But knowing him, he will be the first to go to the affected area as soon as the weather allows his chopper to take off,” pahayag ni Roque.

Hihintayin na lamang ng Pangulo ang abiso ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para sa tuluyang paglipad nito sa mga naapektuhang lugar, ayon naman kay Presidential Communications Operation Office (PCOO) Secretary Martin Andanar.

“Inaasahan ni Presidente ‘yan matapos lang itong bagyo ay lilipad at lilipad diyan ang Presidente,” ayon sa tagapagsalita ng Pangulo.

Nitong nakaraang Huwebes, pinamunuan ni Duterte ang isang command conference sa NDRRMC office upang mapaghandaan ang pagtama ng bagyo sa bansa kasabay na rin ng kautusan nito sa mga miyembro ng gabinete na magtungo sa mga lugar na babayuhin ng bagyo.

“The Ilocanos in the Cabinet were tasked to go to their respective home provinces,” ayon pa kay Roque na ang tinutukoy ay sina Labor Secretary Silvestre Bello III at Transportation Secretary Arthur Tugade na inobligang magtungo sa Isabela at Cagayan, ayon sa pagkakasunod.

-Argyll Cyrus B. Geducos