Umaapela ng panalangin at ayuda ang Caritas Manila sa publiko para sa mga survivor ng bagyong ‘Ompong’ sa Northern Luzon, partikular na sa Cagayan at Isabela.
Sa pahayag ng Caritas Manila, na social action arm ng Archdiocese of Manila at pinamumunuan ng Executive Director nito na si Fr. Anton Pascual, anumang donasyon, maging cash at in kind, ay malaking tulong para sa mga nabiktima ng kalamidad.
Ayon dito, kailangan ng mga biktima ng mga food items, katulad ng mga noodles, canned goods, dried fish, mga ready-to-eat items, pagkaing madaling iluto at ihanda at tubig.
Kinakailangan din ng mga residente ng mga non-food items, katulad ng hygiene kits, banig, kumot, tuwalya, damit at mga bagong underwear.
Ang mga in kind na items ay maaaring dalhin sa punong tanggapan ng Caritas Manila, na matatagpuan sa 2002 Jesus Street sa Pandacan, Maynila habang ang mga cash donations naman ay maaaring ideposito sa mga bank accounts ng Caritas Manila, Inc. (account name) sa Banco De Oro (BDO) sa Savings Account No. 5600-45905; BPI Savings Account No. 3063-5357-01; Metrobank Savings Account No. 175-3-175069543; at anumang Cebuana Lhuiller branch.
Una nang sinabi ng Caritas Manila na nagpadala na sila ng kabuuang P1 milyong donasyon sa limang diyosesis na pinakaapektado ng bagyo, kabilang ang Batanes, Tuguegarao City sa Cagayan, Ilagan City sa Isabela, Laoag sa Ilocos, at Tabuk, na pagkakalooban ng tig-P200,000.
Humihingi rin ng donasyon ang Philippine Red Cross (PRC) sa publiko para sa mga naapektuhan ng bagyong Ompong.
Ayon sa PRC, namahagi na sila ng mga pagkain sa 1,792 indibiduwal at nagtayo na rin ng first aid stations at welfare desks sa mga evacuation centers.
Pinaikot na rin sa Northern Luzon ang mga cargo truck na kargado ng 1,000 non-food items at relief supplies, dalawang mobile kitchens, at isang stainless water tanker.
Nagpadala na rin si PRC chairman Senator Richard Gordon ng ikalawang “humanitarian caravan” upang magbigay ng ayuda sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo.
-Mary Ann Santiago at Dhel Nazario