SA botong 187-14, inaprubahan ng Kamara de representantes nitong Lunes ang ikalawang bahagi ng Tax Reform for Acceleration and inclusion (TRAIN) program ng administrasyon. Gayunman, nitong Miyerkules ay napabalitang wala umanong senador ang nais magsulong ng TRAIN 2 sa Senado. Napakaliit umano ng suporta ng Senado sa bagong panukalang-batas, ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.
Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na marahil ay dahil ito sa nangyayaring pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa. Una nang siniguro ng department of Finance sa mga senador nang dinggin ang TRAIN 1 sa Senado na hindi ito magdudulot ng inflation. Hindi ito ang nangyari, aniya.
Kargado ang TRAIN 1 ng dalawang pangunahing mungkahi. Una, nais itong palabasin bilang isang hakbang na reporma sa pamamagitan ng pagpapababa ng personal income tax rate mula 31 patungong 25 porsiyento. Kabilang bahagi ang maitaas ang kita ng pamahalaan—upang mabawi ang nawalang kita mula sa income tax reform—sa pamamagitan ng pagpapatupad ng ilang bagong batas. Pinakakritikal dito ang taripa sa diesel at iba pang uri ng langis na wala naman dati.
Iginigiit ng mga opisyal ng administrasyon na ang malaking bahagi ng nangyayaring pagtaas ng presyo ngayon ay dulot ng pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis at ang pagbagsak ng halaga ng piso. Ngunit tiyak na isa sa mga salik ang buwis sa diesel, kasama ng manipulasyon ng presyo ng ilang negosyante. Nagsimulang tumaas ang presyo ng mga bilihin pagpasok ng Enero, na nagkataon man o hindi—nang ipatupad ang TRAIN 1.
At ngayong nariyan ang TRAIN 2, ay pinalitan ang tawag na Tax Reform for Attracting Better and High-quality Opportunities (TRABAHO), ng Kamara upang hindi maiugnay sa TRAIN 1 at sa mataas na presyo nitong idinulot. Tulad ng TRAIN 1, binubuo ng dalawang hangarin ang TRAIN 2. Isa ang reporma sa buwis—na magpapababa sa kasalukuyang 30% corporate income tax kada taon hanggang marating nito ang 20% pagpatak ng 2029. Ang kabilang hakbang ay naglalayon din na maitaas ang buwis ng gobyerno sa pamamagitan ng pagtanggal sa karamihan ng mga tax incentives, tulad ng Value-Added Tax, na matagal nang ibinibigay sa dayuhang kumpanya na namumuhunan sa Pilipinas, gayundin ang mga kooperatiba at ilang industriya ng bansa.
Tiyak na tatanggapin ng mga korporasyon ng bansa ang tax reform ng TRAIN 2. Ngunit ang kanselasyon ng maraming tax incentives ay maaaring magdulot sa pag-alis sa bansa ng maraming dayuhang kumpanya na nakalagak sa mga economic zone ng Pilipinas at piliin na lamang lumipat sa mga bansang nag-aalok ng insentibong maaaring mawala sa kanila. Mangangahulugan ito ng pagkawala ng pambansang produksiyon at trabaho. “I have been briefed on the possible exodus of industries from our country if these incentives are lost,” ani Senador Zubiri. Libu-libong Pilipino ang maaaring mawalan ng trabaho.
Ito ang suliraning kinakaharap sa pagsusulong ng TRAIN 2. Nariyan ang pangamba na kung nagdulot ang TRAIN 1—malawakan o bahagi lamang—ng pagtaas ng mga presyo, maaaring humantong ang TRAIN 2 sa pagkawala ng maraming trabaho. Kung gayo’y, may dahilan ang Senado kung piliin nitong hintayin muna na humupa ang mataas na presyo ng mga bilihin bago pagtibayin ang isa pang panibagong hakbang na maaaring pasanin ng mga ordinaryong Pilipino sa pagkawala ng maraming trabaho.