NANANATILING tapat at solido ang suporta ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa administrasyon ni President Rodrigo Roa Duterte. Ito ang pahayag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana kaugnay ng hamon ni PRRD sa mga sundalo na sumanib sa mga puwersa na nagpaplano umanong siya’y patalsikin, kabilang ang grupo ni Sen. Antonio Trillanes IV (Magdalo).
Bukod sa pangkat ng mahigpit na kritiko ng Pangulo, tinukoy ni Mano Digong ang dalawa pang grupo na nais daw siyang sipain sa puwesto, ang Liberal Party o Mga Dilawan at ang Communist Party of the Philippines (CPP) ni Jose Ma. Sison. Itinanggi ng mga ito ang akusasyon ni Pres. Rody na maglulunsad umano sila ng pagkilos sa Oktubre.
Sinabi ni Lorenzana na ang paghamon ni PDu30 sa mga kawal ay maaaring pananantiya lamang ng Pangulo dahil naniniwala siyang suportado pa rin siya ng AFP at ng Philippine National Police (PNP) sa pamumuno ni Director General Oscar Albayalde.
Sa one-on-one (tete-a-tete) interview ng Presidente noong Martes kay Presidential Chief Legal Counsel Salvador Panelo, lagi niyang binibira si Trillanes. Hinamon niya ang mga kawal na sumama rito at sa Magdalo at kung gusto nila, maglunsad sila ng kudeta.
Naniniwala si Lorenzana na ang AFP at PNP ay matatag na mga institusyon, kuntento sa pamamaraan ng pamamahala ng Pangulo. Ang PNP ay nasa ilalim ng Department of Interior and Local Government (DILG) na ang puno ay si Eduardo Ano, dating AFP Chief of Staff.
Tungkol sa alegasyon ni Mano Digong na nagre-recruit ang kanyang political foes ng mga aktibong kawal para sa destabilization plot, sinabi ni Lorenzana na ang gayong report ay isinasailalim pa nila sa validation. Saad ni Lorenzana: “Hindi ko puwedeng kumpirmahin ito dahil wala namang (recruitment) na namo-monitor namin.”
Nakipagpulong si PRRD kay US Ambassador Sung Kim noong Miyerkules sa Malacañang. Ayon kay presidential spokesman Harry Roque, ang “private meeting” ng Pangulo at ni Kim ay indikasyon ng umiinit na relasyon ng Pilipinas at ng US. Sabi ng aking kaibigan: “Siya lang naman (Duterte) ang lumalayo sa US. Hanggang ngayon ay patuloy sa pagtulong ang US sa ‘Pinas bagamat minumura niya ito.”
Sinabi ni Vice Pres. Leni Robredo na ang pagkabigo ni PRRD na aminin ang mga problemang pang-ekononmiya at iba pa, ay lalo lang magpapalala sa suliraning pangkabuhayan ng PH. Dapat daw ay inamin ng Pangulo na hirap ang ekonomiya ng bansa ngayon sa tete-a-tete interview niya kay Panelo upang makatulong ang mga mamamayan.
Ayon kay beautiful Leni, maraming proposal para malutas ang inflation (o taas ng mga bilihin at serbisyo) ngunit hindi naman inaaksiyunan. Binanggit niya ang Bawas Presyo Bill ni Sen. Bam Aquino at ang panukala ni Marikina City Rep. Miro Quimbo na suspindehin ang imposisyon ng excise tax sa fuel, na nagbubunga ng “domino effect” sa pagtaas ng oil prices sa mga pangunahing bilihin.
Sa panahon ngayon ng krisis, kailangan ang suporta ng mga mamamayan sa gobyerno ni PRRD, alisin ang galit at pagkakawatak-watak upang makaalpas ang bansa sa mga problema nito.
-Bert de Guzman