BUNSOD sa posibleng epekto ng ‘Super Typhoon’ Ompong, kinansela ng pamunuan ng UAAP ang dalawang larong nakatakda ngayon sa UAAP Season 81 basketball tournament sa Araneta Coliseum. 

Ang mga nakanselang laro ay ang tapatang Ateneo de Manila University at Far Eastern University ganap na 2:00 ng hapon at ang salpukang Adamson-De La Salle University ganap na 4:00 ng hapon.

"After due consultation and considering what appears to be a severe weather disturbance, the UAAP deems it best for everyone's interests to cancel the basketball games tomorrow Saturday, September 15, 2018," pahayag ni UAAP president Nilo Ocampo ng host National University sa statement na inilabas kahapon.

Ang dalawang pares ng laro ng mga koponang siya ring nagtapat-tapat noong nakaraang taong Final Four round ay nakatakdang ire-schedule bago matapos ang unang round.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Wala pang anunsiyo kung magtutuluy-tuloy ang kanselasyon hanggang sa mga nakatakdang laro sa Linggo sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.

Nauna rito, kinansela na ng event host University of Santo Tomas ang mga laro sa UAAP Chess tournament na nakatakdang ganapin sa UST Quadricentennial Hall ngayong weekend at inilipat ng petsa sa Setyembre 19.

-Marivic Awitan