Dear Inang Mahal,

May suspetsa po ako na bading ang pamangkin ko. Nanirahan siya sa bahay ko ng ilang buwan, at napansin ko na tila malamya ang kanyang kilos. Noong una, akala ko ay mahiyain lamang siya at masyadong pino ang kilos. Pero sa tingin ko, siya po ay bading. Ang totoo, kaya naman siyang tanggapin ng kanyang magulang kahit ano ang pagkatao niya, at bilang tiyahin, palagay ko’y may karapatan akong mamagitan sa ganitong bagay.

Janice

Dear Janice,

Masyadong kumplikado ang sekswalidad ng isang tao. Siguro, ang napansin mo ay bahagi lamang ng kanyang paglaki. P’wede ring ipinagdarasal na niya kung paano siya magtatapat sa kanyang magulang tungkol sa kanyang sekswalidad. Ang mas mahalaga, ay ang katotohanang, wala siyang ginagawang mali.

Bago ka gumawa ng anumang hakbang, mas makakabuti kung magbabasa ka ng ilang pag-aaral tungkol sa homosekswalidad, at kung paano ito nauugnay sa sitwasyon ng iyong pamangkin. Mas makakatulong ka sa kapatid mo at sa iyong pamangkin kung may sapat kang kaalaman tungkol sa bagay na ito. Maraming maling kaisipan ang nakaugnay sa homosekswalidad, at karamihan sa mga ‘yon ay walang basehan. Ihiwalay mo ang haka-haka sa katotohanan. Ang pag-aaral tungkol dito ang magbibigay sa ‘yo ng sagot kung paano mo haharapin ang sitwasyong ito.

Ang sekswalidad ng isang tao ay personal na bagay, kaya kapag ibinuking mo ang iyong pamangkin sa kanyang magulang, baka pagmulan ito ng inyong tampuhan na panghabambuhay. Bilang kapamilya, ang papel mo ay tumulong sa pagkakaisa at kaayusan ng bawat miyembro ng iyong angkan. Ipanalangin mo ang kanilang pagkakaunawaan.

Nagmamahal,

Manay Gina

“We are accountable for our actions as we exercise our moral agency. If we understand this principle and make righteous choices, our lives will be blessed.” --- L. Lionel Kendrick

Ipadala ang tanong sa [email protected]

-Gina de Venecia