ANG Setyembre ay ang una sa apat na buwan sa kalendaryo ng ating panahon na nagtatapos sa “BRE” o “BER” ang mga titik. Ang tatlong iba pa ay ang Oktubre, Nobyembre, at Disyembre.
At kapag sumapit na ang “BER” months, bukod sa nalalapit na Pasko ay panahon din ito ng pag-aani ng palay at panahon din ng malalakas na bagyo.
Kapag tumama at nanalasa sa lalawigan, nagdudulot ng malaking pinsala sa buhay at kabuhayan ng mga mamamayan. At kapag talagang malakas ang bagyo, lugmok ang kabuhayan ng ating mga kababayan sa mga lalawigan na hinagupit ng bagyo.
Bukod sa mga nabanggit, uwing Setyembre ay nabubuhay at nagbabangon sa alaala ng marami nating kababayan, partikular na sa mga senior citizens, ang pinairal na martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Naganap ito noong Setyembre 21, 1972, sa pamamagitan ng Proclamation1081 na nilagdaan ni dating Pangulong Marcos.
Ang martial law ang sumupil at sumikil sa mga karapatan at kalayaan ng sambayanang Pilipino. Itinuring na madilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas sapagkat marami ang dinakip, ikinulong, dinukot, naglaho, pinatay at nalibing na walang kabaong. At hindi manlang napabaunan ng dasal at mga bulaklak. Walang nagawa ang kanilang mga kamag-anak kundi ang lumuha at manangis. Isang mapait na alaalang hindi nila malilimot.
Sa imposition ng Proclamation 1081 o ng martial law, ipinahayag ni dating Pangulong Marcos sa bahagi ng kanyang “Notes on the New Society” na hindi siya naging Pangulo para pamunuan ang pagkamatay ng Republika ng Pilipinas, bagkus nais niyang sagipin ang Demokrasya. Kasunod na inilunsad ang “Bagong Lipunan”. Ngunit sa pagpapairal ng martial law, inagaw at sinikil ang dalawang mahalagang elemento ng buhay ng mga Pilipino – ang KALAYAAN at DEMOKRASYA.
Sa pamamagitan ng mga General Order, naipasara ang Kongreso, nakontrol ang Korte Suprema. Naipasara rin ang mga television at radio station. Naipadakip at nakulong ang lahat ng mga kalaban sa pulitika tulad ng mga senador, broadcaster at peryodista kahit walang warrant of arrest. Marami sa mga nakulong noong martial law na namayapa na rin.
At upang kontrolin ang Korte Suprema, sa pamamagitan ng General Order No. 3, inalisan ng kapangyarihan ang hudikatura at ipinasara ang Kongreso at lahat ng media facilities.
Ang dalawang parang naging mga asong masunurin sa pagpapatupad ng mga utos ng mapanupil ay sina dating Pangulong Fidel V. Ramos (PC chief at vice chief of staff noon) at dating Senador Juan Ponce Enrile (defense minister noon) ni dating Pangulong Marcos.
Makalipas ang isang taon, binuo ang 1973 Constitution na tailor-made para kay Marcos. Ang mga probisyon ay pabor kay Marcos at ang transition period ay angkop pa rin sa ngayon. Noong 1976, sinusugan ang Bagong Saligang Batas. Sa Amendmend No. 6, binigyan nga ng kapangyarihan ang Batasang Pambansa na bumuo ng batas ngunit kontrolado ni Marcos.
Ang martial law ay hindi na malilimot ng mga taga-Rizal sapagkat dagok ito sa kasaysayan ng lalawigan. Sa pamamagitan lamang ng isang Presidential Decree ay naagaw ang 12 mauunlad na bayan sa Rizal masunod lamang ang kapritso ni Imelda Romualdez Marcos na maging governor ng binuong Metro Manila.
Bunga nito, naghirap ang Rizal na isang premiere province noong hindi nagma-martial law. Mabuti na lamang at hindi nasiraan ng loob ang mga namuno sa Rizal na sina dating Rizal Gov. Casimiro “Ito” Ynares, Jr. at dating Rizal Cong. Bibit Duavit at iba pang lider. Nagtulung-tulong upang maibangon ang lalawigan para sa kabutihan ng susunod na henerasyon.
Ang martial law ni Marcos, na tumagal ng 14 na taon, ay pinabagsak ng EDSA People Power Revolution noong Pebrero 22-25, 1986, na ang naging sandata ng mga Pilipino ay pagkakakisa, dasal at mga bulaklak na itinapat sa dulo ng mga baril ng mga sundalo. Napalayas ang diktador sa Malacañang. Nagtungo ng Hawaii kasama ang pamilya at ilang cabinet member at doon namatay noong Setyembre 28, 1989.
Sa mga Pilipinong nagmamahal sa kalayaan at demokrasya ay “never again” o hindi nila papayagang maulit muli ang martial law.
-Clemen Bautista