KAPWA nakuha nina John Vincent Moralde ng Pilipinas at Amerikanong si Jamel Herring ang timbang para sa kanilang 10-round na sagupaan sa bakanteng USBA junior lightweight title ngayon sa Save Mart Arena, Fresno, California sa Estados Unidos.

Tumimbang si Moralde ng 129.8 pounds kumpara sa 130 pounds ni Herring sa sagupaang magsisilbing undercard ng unang depensa ni WBC super lightweight champion Jose Carlos Ramirez sa kapwa undefeated at Mexican na si Antonio Orozco.

Bahagyang liyamado sa sagupaan si Herring sa pustahan ngunit nangako si Moralde na palalasapin niya ng ikalawang pagkatalo sa knockout ang Amerikano na tinalo via 10th round TKO ni four-time world title challenger Denis Shafikov ng Russia noong 2016.

Unang lumaban sa US si Moralde noong Disyembre 1, 2017 sa Providence, California kung saan napatigil siya sa 7th round ng Amerikanong si world rated Tora Kahn Clary.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ngunit sa ikalawang pagkasa sa Amerika, pinabagsak ni Moralde sa 1st at 5throunds ang knockout artist na si Ismael Muwendo upang manalo via 8-round unanimous decision para palasapin ng unang pagkatalo ang Mid American featherweight titlist.

Inaasahang papasok sa world rankings ng IBF ang magwawagi kina Moralde at Herring kaya inaasahang magiging pukpukan ang kanilang sagupaan na ipalalabas ng ESPN+ sa buong Amerika.

May rekord si Moralde na 20 panalo, 1 talo na may 10 pagwawagi sa knockouts samantalang si Herring ay may kartadang 17-2-0 na may 10 panalo sa knockouts.

-Gilbert Espeña