NANATILING malinis ang marka ng Lyceum of the Philippines University Pirates.
Inulit ng Pirates ang dominasyon sa Emilio Aguinaldo College, 95-75, nitong Huwebes para hilahina ang karta sa 12-0 sa 94th NCAA basketball tournament sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Matibay na depensa ang nilatag ng Pirates, dahilan para magtamo ang Generals ng season-worst 38 turnovers, kabilang ang 22 sa fast breaks para manatili sa tuktok ng pedestal. Tanging ang San Beda Lions, defending champion matapos gapiin ang Pirates sa nakalipas na season, ang nakaantabay sa Pirates tangan ang 11-1 marka.
“We know that our strength is our defense and we just have to keep feeding on it,” pahayag ni LPU coach Topex Robinson.
Nagsalansan si CJ Perez, MVP sa nakalipas na taon, sa naiskor na 19 punto, habang kumana si Mike Nzeusseu ng 18 puntos. Nag-ambag si Jaycee Marcelino ng 15 puntos, pitong assists at apat na steals.
Nagawang makakikig ng Generals sa unang bahagi ng laro na nagserulta sa 10 palitan ng kalamangan at apat na pagtabla.
Naisalpak ni Ralph Tansingco ang buzzer beating triple para makaabante ang Pirates sa 41-40.
Iskor:
LPU (95) - Perez 19, Nzeusseu 18, Marcelino JC. 15, Tansingco 11, Marcelino JV. 10, Pretta 5, Ayaay 4, Valdez 4, Santos 4, Yong 3, Caduyac 2, Ibañez 0, Lumbao 0, Cinco 0, Serrano 0.
EAC (75) - Garcia 30, Bautista 19, Hamadou Laminou 10, Maguliano 8, Gonzales 4, Cruz 2, Neri 2, Diego 0, Corilla 0, Natividad 0, Mendoza 0, Cadua 0.
Quarterscores: 20-18; 41-40; 61-53; 95-75